P50-K KADA BANYAGA SA BI-NAIA

BAKBAKAN NATIN

MISTULANG karinderyang bukas ang ating bansa sa loob ng bente-kuwatro oras araw-araw para sa mga dayuhang gustong makapasok sa bansa.

Kaya, walang dapat ikagulat ang mamamayang Filipino kung bakit maraming dayuhan sa Pilipinas ngayong panahon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Ngunit, nakapagtataka na maraming banyaga ang dumadayo at nakapapasok sa bansa sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na sa kalaunan ay mababalita sa media na nahuli ng mga pulis dahil walang “wor­k­ing permit.”

Ang mga banyagang nadakip ay mga Intsik na nagtatrabaho bilang “sex workers,” empleyado sa mga kompanyang naghuhuthot ng pera sa ibang bansa, mga empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ng online gambling establishment, construction workers at marami pang iba.

Mayroon namang permit ang iba sa kanila.

Ngunit, marami sa kanila ang nahuhuli ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na pawang “turista” ang kategorya.

Noong Oktubre 15, paksa ng Bakbakin Natin! ang tungkol sa mga dayuhang nahuli ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ang pinakahuling na­­da­­kip ng NCRPO sa pamumuno pa ni Major General Guillermo Lorenzo Eleazar, ilang araw bago siya italagang pinakamataas na opisyal ng PNP, ay 512 mga dayuhan sa isang kompanya sa lungsod ng Parañaque na nanghuhuthot ng salapi sa mga tao sa ibang bansa na kanilang kinakausap.

Sabi ni Eleazar, ang 512 ay walang working permit.

Mahigit sa 400 na nasakote ay mga Intsik.

Ang titulo ng paksa ko noong Oktubre 15 ay: “Sinu-sino ang mga kumita sa pagpasok sa mga ilegal na dayuhan?”

Ang titulo ng kolum ko ay tungkol sa mga korap sa Bureau of Immigration (BI).

Ngunit, wala akong tinukoy na eksaktong opisyal at kawani ng BI, sapagkat hindi ko alam kung sinu-sino sa kanila ang kumikita mula sa mga dayuhan.

Ang alam ko, matagal nang umiiral ang katiwalian at korapsyon sa BI.

May kumontak sa akin na isang kaibigan na nag-aral noon sa Lyceum of the Philippines (LPU) at Philippine Christian University (PCU) kung saan idiniin at tiniyak niyang tumataginting na P50,000.00 ang ibinibigay ng bawat dayuhang pumapasok sa NAIA.

Ganito ang kanyang paha­yag: “Immigration Visa upon entry racket. P50k na lagay pasok ka na [sa Pilipinas].”

Kapag nagbigay ng P50,000 ang dayuhan, partikular na ang Intsik, siguradong walang maraming tanong.

Kaya, pasok na!, banggit ng aking kaibigan na dating aktibista.

Idiniin at tiniyak din niya na maraming kumikita sa NAIA-BI, sapagkat ang nakatoka sa “Visa Upon Entry” sa NAIA ay mga taga-Immigration.

“Open secret ‘yan,” tugon ng nagparating ng impormas­yon sa Bakbakin Natin!

Kung sisipatin at iisiping mabuti, ang P50,000 ‘padulas’ ang dahilan kung bakit mara­ming dayuhan na nagtatrabaho sa bansa na “turista” ang kalagayan.

Kung P50,000 kada banyaga, tumataginting na P25,600,000 ang kabuuang ibinigay ng 512 banyagang nadakip ng mga tauhan ni Eleazar sa mga korap sa NAIA-BI.

Isang kaso pa lang ito.

Hindi pa kasama iyong mga sex worker at mga kliyente nila na nahuli sa isang prostitution den sa Parañaque at tatlong prostitution den sa lungsod ng Makati.

Hindi ba’t napakalaking halaga kung totoong nagbigay ng P50,000 kada isa sa kanila sa mga korap sa NAIA-BI makapasok lang sa ating bansa nang walang kuskos-balungos?

Bilangin ninyo ang kabuuang bilang ng mga Intsik na nagtatrabaho sa industriya ng POGO at saka ninyo i-multiply sa P50,000.

Hindi ba’t napakalaking halaga, ngunit ang daming nagtatrabaho sa POGO service providers sa ilang panig sa bansa ang hindi nagbabayad ng tamang buwis. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment