OFW HOSPITALS

TINIG NG MANGGAGAWA final

MALAKING tulong sa mga kababayan nating Overseas Filipino Worker (OFW) ang pagkakaapruba ng Kongreso sa panukalang batas na naglalayong magtatag ng mga ospital para sa kanila at kanilang pamilya.

Sa botong 180-0 ay pinaboran ng mga mambabatas ang House Bill 9194, na nagsasaad ng pagtatatag ng Overseas Filipino Workers Hospital.

Sa ilalim ng panukala, itatayo ang mga OFW hospital para magbigay ng komprehensibong health care services sa lahat ng migrant workers na kabilang sa mga nagbibigay ng kontribusyon sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Kapag naitayo na ang naturang mga pasilidad, ito ay pangangasiwaan ng Department of Health.

Bukod dito, nilalayon din ng panukala na mabigyan ng medical examinations para masiguro ang physical at mental capability ng mga overseas contract workers na may kaukulang job order.

Magsisilbi rin itong primary referral hospital para sa mga repatriated OFW’s na manga­ngailangan ng medical assistance and support.

Nitong Mayo, pinasinayaan sa San Fernando City, Pampanga ang kauna-unahang ospital na laan sa mga OFW. Target daw itong matapos sa taong 2020 para mapakinabangan na ng mga OFW at kanilang pamilya.

Maganda ang layu­nin ng panukalang batas na ito kaya karapat-dapat itong agad ipatupad. Para naman maramdaman ng mga itinuturing nating ‘makabagong bayani’ ang pagpapahalaga sa kanila ng pamahalaan.

Malaking tulong ang ipinapasok nilang dolyar na padala sa kanilang pamilya sa pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa kaya nararapat itong suklian ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng programa.

May alinlangan lang ako dahil posibleng makasilip ng pagkakataon ang mga kurakot na pagkakitaan ang mga ganitong proyekto.

Milyon-milyon ang pondong ilalaan sa pagtatayo ng mga ospital na ito kaya dapat nating bantayan na sa proyekto nga ito gagamitin at hindi ibubulsa ng ilan. Tingnan nyo na nga lang iyang ali­ngasngas ngayon sa Philhealth.

Marami talagang walang kaluluwa sa panahon ngayon at puro pagkakaperahan ang nasa isip. Mantakin nyong pati ang pagpapagamot ng mga probre nating kababayan ay nagawang kupitan.

Mabuti na lang at may mga naglakas ng loob na ibunyag ang ‘raket’ ng ilang klinika na sumisingil kahit patay na pala ang pasyente na nagpapa-dialysis sa kanila. Kumbaga, ‘ghost’ dialysis.

Hindi lang yan mayroon din umanong ‘ghost’ patients, false claims, misrepresentation at upcasing sa PhilHealth.

Mahilig pala sa multo ang ilan dyan sa Philhealth at nagawa nilang makipagsabwatan sa ilang wellness clinic.

Multuhin sana kayo ng mga pinagkakitaan ninyong patay na e ipinangongolekta nyo pa ng benepisyo.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment