NOGRALES: DAPAT PAGBAYARAN ANG KRIMEN

NIPIS

SA mga hindi sinasad­yang pagkakataon, nakasalubong, nakasalamuha at nakapanayam ng inyong lingkod ang isang batambatang mambabatas mula sa ikalawang distrito ng Rizal na si Juan Fidel Nograles na siya ring vice chair ng House Committee on Justice.

Masarap makipagtalastasan sa abogadong mambabatas sapagkat marami itong kaalaman tungkol sa batas, na dapat naman dahil nagtapos lang naman siya ng abogasya sa Harvard University at nakakuha ng Juris Doctor degree sa Ateneo de Manila University.

Para kay Rep. Nograles, hindi dapat palayain ang mga gumawa ng heinous crime tulad ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na nasa New Bilibid Prison.

“They should be held accountable to the crimes they have done against the people,” ayon sa batambatang congressman.

Sinabi nito na sa simula pa lang ay hindi na dapat makasama pa si Sanchez sa mga palalayain dahil hindi naman ito kwalipikado sa good conduct time allowance (GCTA) o RA 10592 sapagkat ilang beses ding nakuhanan ang selda nito ng ipinagbabawal na droga. Ang una ay noong 2006 habang ang ikalawa ay noong 2010 kung saan ang shabu ay nakatago sa imahe ni Birheng Maria.

Malaki rin ang paniwala ni Congressman Nograles na maliit na lang ang posibilidad na makalaya si Sanchez dahil na rin sa public outrage at naunang sinabi nito na tapos na ang usapin ng paglaya nito dahil mismong si Presidente Rodrigo Duterte ang nagsabi na hindi dapat makalaya ang sinumang akusado na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Sa paniwala ng batang mambabatas, hindi na kailangan pang ibalik ang usapin nang paglaya ni Sanchez dahil sa simula pa lang ay diskwalipikado na ito.

“Mas mahalagang mapangalagaan ang lipunan laban sa kanyang mga baluktot na paniniwala at gawaing masama noong nasa laya pa lang siya. Maituturing bang good conduct ang mahulihan ng droga sa loob ng kulungan?,” balik tanong ni Nograles.

Bilang abogado, batid ni Rep. Nograles, pamangkin ng dating House Speaker Prospero Nograles, na  malaki ang pangangailangan na repasuhing muli ang RA 10592 sapagkat may ilang probisyon na dapat bigyang linaw at dahil bahagi siya ng Committee on Justice, handa siyang tumulong upang ayusin ang mga probisyong napapaloob sa nasabing batas.

Makabubuti, para kay Nograles na suriing mabuti, busisiin ang kwalipikasyon ng mga nahatulan sa heinous crime kung karapatdapat ba ang mga ito na mabigyan ng pagkakataong makalaya muli at mamuhay sa labas ng kulungan.  (NIPIS / LEA BOTONES)

Related posts

Leave a Comment