NINGAS-KUGON NA SMOKING BAN

ITO ANG TOTOO

BAWAL ang pani­nigarilyo sa mga publikong lugar sa buong Pilipinas, hindi lamang sa pamamagitan ng mga local na ordinansa kundi mismo sa bisa ng Executive Order no. 26 ng Pangulo ng bansa.

Ang Totoo: nakatuntong ang Executive Order no. 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Clean Air Act of 1999 at Tobacco Regulation Act of 2003.

Nang maging epektibo ang EO 26 noong July 2017, naglipana ang mga naglabasang balita at mga retrato ng mga pulitikong nanghuhuli ng mga nani­nigarilyo sa mga lugar na publiko, kasama na ang sa mga kalsada, restaurant at iba pa.  Bidang-bida ang mga lekat.

Makalipas ang halos dalawang taon, tuloy na naman ang mga naninigarilyo sa kalye, restaurant at iba pang lugar na pampubliko na saklaw ng EO 26.

Ang Totoo: kaya ipinagbabawal ang panini­garilyo sa publikong lugar ay dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan, mapa-bata, matanda, lalaki, babae, mahirap o ma­yaman, basta tao apektado.

Kawawa ang mga sanggol sa sinapupunan ng mga ina, at pati ang ina, gayon din ang mga hindi naninigarilyong nakalalanghap ng “second-hand” na usok na puno ng nakalalason na kemikal tulad ng nicotine, tar at iba pa.

Ang batas kontra sa paninigarilyo sa mga lugar na publiko, gaya ng batas kontra sa “open burning” ay nagiging inutil na batas na sumasanay sa mamamayang lumabag nang walang pakunda­ngan.

Ang Totoo: gaya ng sinabi na natin sa nakaraan, kapag nasanay ang tao sa paglabag sa batas, sinong makapagsasabi kung ano pang batas ang lalabagin nito, kasama na ang pagnanakaw o pagpatay sa kapwa.

Gumising na tayo. Kapag may batas, malupit man o hindi, kailangang sundin para sa kapakanan ng nakararami kundi ng lahat.

Iyong mga naninigarilyo, huwag nang mandamay sa pagpapakamatay ninyo. Kayo na lang!  (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment