NCRPO DIRECTOR SINAS ALAMIN MO

NIPIS

PAG-UPO sa puwesto ni NCRPO chief P/BGen. Debold Sinas mula sa Region 7, marami na kaagad ang hindi nakagusto sa kanyang ugali kaya’t may ilang pagkakataon na may mga nakabangga na kaagad siya dahil sa talim ng kanyang dila.

Unang nakabangga niya ay ang presidente ng NCRPO Press Club na si Lily Reyes na hindi kumibo sa ginawa niyang pambabastos nang tanggalan niya ng opisina kasama ang ilang miyembro ng media.

Bukod sa nais niyang ora-orada ang pag-alis na gawin ni Reyes at mga kasama ay halos agawin na niya ang susi ng nasabing tanggapan na ipinagkaloob ni dating NCRPO director Chief Supt. Joel Pagdilao at nang matalaga bilang kapalit sina Gen. Oscar Albayalde at P/MGen. Guillermo Eleazar ay hindi naman kinuha o binawi ang tanggapan na nasa 2nd Floor ng Kamuning Police Station.

Habang nakakatawa naman ang pahayag ni Gen. Sinas kaugnay sa mga pulis ng NCRPO na nakatalaga sa Bureau of Corrections (BuCor) kung saan nahulihan ang 16 sa mga ito na nagpupuslit ng mga kontrabando.

Simpleng pananakot lang naman ang ginawa ni Sinas na ipu-pull-out niya ang mga pulis na nakatalaga sa National Bilibid Prison kapag nagpatuloy ang pagturo sa mga pulis na ang mga ito ang nagpasok ng kontrabando.

Sana, inalam muna ni Sinas kung kanino galing ang utos na italaga ang mga pulis sa BuCor bago siya nagbitiw ng salita para hindi siya magmukhang katawa-tawa. Kaya ba niyang kontrahin ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Eh kung hindi naman, eh makabubuting manahimik na lang siya. Sabagay, ang kalat kasi niya ay ibang tao ang naglilinis.

Katulad na lang ito nang pang-aaway niya kay Reyes na parang sinasabi niyang walang halaga sa kanya ang print media at tanging ang broadcast ang pinapahalagahan niya kaya nga kapag may press conference siya ay pawang taga telebisyon ang pinapatawagan niya.

Hindi niya batid na ang kalat na ginawa niya ay isang tauhan niya ang naglinis na siyang nakakaalam ng kalakaran sa Metro Manila. Nagmamalinis itong si Sinas pero ngayon pa lang ay naglulutangan na ang ilang mersenaryo niya na siyang nag-aayos ng ilang koleksyon o pagkakaperahan sa kanilang nasasakupan.

Baka akala ni Sinas, maitatago niya ang kanyang mga gagawing kababalag­han? Naku, Malabo yan sa sabaw ng pusit. Kahit anong gawin niyang tago, sisingaw at sisingaw iyan sapagkat matatalas ang pang-amoy ng mga mamamahayag.

Kung iyon ngang itinatago nilang “weekly protection money” mula sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)  na milyon-mil­yon eh pumutok, iyon pa kayang plano pa lang nila  sa Metro Manila ngayon?

Malayo ang Cebu sa mga matatalim na mata ng mga mamamahayag sa Kamaynilaan pero nakarating sa Maynila ang balita, paano pa kaya kung nasa Maynila na sila kung saan naroroon din ang mga mamamahayag na handang bantayan sila 24-oras? (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment