NCRPO CHIEF MAJ. GEN. GUILLERMO ELEAZAR, SINIBAK ANG DALAWANG ABUSADONG PULIS!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

SA kabila ng pagiging istrikto at mahigpit sa pagdidisiplina sa mga alagad ng batas nina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar, may mga pulis pa rin ang patuloy na umaabuso sa tungkulin tulad na lang ng mga nag-viral kamakailan sa social media.

Sa direktiba ni Albayalde kay Eleazar, ipinag-utos nito na tanggalan ng tsapa ang mga pulis na nasangkot sa pang-aabuso kaya’t inatasan naman ni Maj. Gen. Guillermo Eleazar si Eastern Police District (EPD) Director B/General Nolasco Bathan na alisin na sa San Juan Police Station at Marikina Police Station sina PSMS Arnulfo Ardales at PSMS Nicolas Lapie, Jr. at ilipat sa Regional Headquarters Support Unit (NC RPO-RHSU) sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig.

Ang siste, noong Sabado ng gabi, nag-viral sa social media ang pagmumura at pagbabanta ni Ardales sa isang call center agent na nakasabay niyang bumili ng ulam sa karinderya sa San Juan kaya’t nagalit si Albayalde at ipinag-utos na disarmahan ang nasabing pulis.

Samantala, nakakulong naman ngayon sa Pasig City Custodial Center si Lapie, Jr. dahil sa kasong Physical Injuries in Relation to RA 7610 o The Anti – Child Abuse Law dahil sa pananakit sa walong taong gulang na totoy na nanonood ng basketball game sa covered cout ng Barangay Bambang sa naturang lungsod.

Kitang-kita sa video na sinakal ng pulis ang bata at pinagmumura. Nakatakbo ang bata ngunit hinabol pa rin ng pulis at pinilipit ang braso. Mabuti na lang at naglakas ng loob ang mga nakakita at inawat ang pulis.

Nagtataka lamang tayo kung bakit nagagawa ng mga pulis ang umabuso sa tungkulin gayung bago sila pumasok sa pagkapulis ay dumaan sila sa katakot-takot na training at alam nila ang hirap na kanilang pinagdaanan lalo na ang moral values at disiplina sa sarili bilang iang alagad ng batas? O baka naman gumagamit na rin ng illegal drugs sina Ardales at Lapie, Jr. kaya hindi nila napipigilan ang kanilang sarili na umabuso? Kailangan muli ng PNP ang random drug test at patuloy na cleansing para tuluyan nang malinis ang hanay ng PNP at maalis na ang bulok sa kanilang hanay.

Kay Major General Guillermo Eleazar, sir, mabuhay ka dahil patuloy mong nililinis ang hanay ng mga pulis sa NCRPO at dahil diyan nagtitiwala na ang publiko sa mga alagad ng batas. (HAGUPIT NI BATUIGAS / Mario Batuigas)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment