‘NBI OFFICER’ ALYAS ELYWIN, BOSS NG SAKLAAN SA CAVITE

BAKBAKAN NATIN

KAPAG opisyal o ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), dapat sumusunod at ipinatutupad ang lahat ng batas sa bansa.

Ang lahat ng opisyal at ahente ng NBI ay inaasahan ng mamamayan na hindi gagawa ng masama, lalo na iyong ipinagbaba­wal ng batas.

Dapat hindi guma­gawa o pasok sa iligal na negosyo.

Ngunit, tila balewala ito sa isang taong nagpapakilalang “NBI officer” daw siya.

Isang alyas “Elywin” na ayon sa intelligence report ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite ay isang “NBI officer” na boss ng mga saklaan o saklang-patay sa limang bayan sa Cavite.

At isang alyas “Eric” ang kasosyo ni alyas Elywin sa negosyong saklaan.

Ang saklang-patay nina alyas “Elywin” at alyas “Eric” ay matatagpuan sa Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza at Amadeo na pare-parehong makikita sa Cavite.

Opisyal sa NBI, may negosyong saklaan sa mga patay?!

Pokaragat na ‘yan!

Bukod sa mga iligalidad na ginagawa nina alyas Elywin at alyas Eric sa limang bayan (limang bayan ha!) sa Cavite, namamayagpag din ang pa-color games ni alyas Baby Mapanganiban sa GMA na ang poste ay si alyas “Boknoy.”

Napakatagal na ng iligal na pasugalan ni alyas Baby, pero hindi ipinatitigil ng hepe ng GMA.

Ganoon din ang pergalan ng isang Jason P. na nakabase rin sa GMA.

Hindi rin patatalo ang pergalan ni alyas “Atienza” sa Imus.

Itong pergalan ni alyas Atienza ay hindi rin ipinatitigil ng pulisya ng Imus, kaya hindi kalabisang sabi­hing puwesto pijo ito.

Ang masama rito ay ginagawang pugad ng mga sugapa sa shabu ang nasabing pergalan.

Sa Dasmariñas naman ay napakatalamak ng bookies ng STL at karera nina alyas “Jun” at alyas “Toto.”

Kontrolado rin ng da­lawang ito ang loteng, EZ 2 at ending na kahit saang anggulo tingnan ay iligal na sugal.

Ang tindi pala nitong sina alyas Jun at alyas Toto sa rami ng pinatatakbong iligal na sugal.

Nagkalat din ang mga pergalan at saklaan sa Gen. Trias.

Kung iikutin ang mga lungsod at bayan sa Ca­vite ay mayroong iligal na sugalan, ngunit hindi ipinasasara ng mga kinauukulan.

Kaya, tiyak mayroong kumikitang mga opisyal mula sa mga gambling lord sa Cavite.

Ang masama, karamihan sa iligal na pasugalang ito ay mistulang prente ng iligal na droga.

Kaya, hindi kalabisang sabihing napakatalamak din ng iligal na droga sa maraming lungsod at bayan sa Cavite.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment