NAUNA SI MAYOR OCA

NIPIS

NANG ipag-utos ng Department of Interior and Local Government ang pagpapaluwag ng mga kalsada upang maibsan ang problema sa trapiko base sa kautusan ni Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, taong kasalukuyan, nauna na ang pamunuan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan.

Mabilis ang pagtalima ng alkalde ng Caloocan sa kautusan ng DILG  gamit ang ‘Oplan Sagabal’ na siyang sumuyod sa ilang subdibisyon sa North Caloocan upang wasakin ang mga sagabal sa mga kalye bukod pa sa pagpapabukas nito sa mga gate ng mga subdivision upang makasiguro na madaraanan ang mga ito upang  magluluwag ang daloy ng traffic sa kanyang nasasakupan.

Tahimik lang naman ang pagkilos ni Mayor  Oca at maging ang kanyang anak na si Congressman Dale Gonzalo “Along” Malapitan, Caloocan City 1st District Representative kaya’t  ramdam na ramdam ng mga residente ang kanilang mga ginagawa upang maisaayos ang daloy ng trapiko.

Maraming pagbabago na rin namang naipatupad ang alkalde ng Lungsod ng Caloocan tulad ng pagkakaroon ng bagong City Hall mula sa Mabini St. ay nailipat na sa East Grace Park, mayroon na ring Caloocan City Sports Complex sa Bagumbong, maayos na mini-city hall sa North Caloocan at ma­rami pang iba.

Dahil sa mga naipagawa ng mga Malapitan, ramdam na ramdam ng mga mamamayan ng Caloocan City ang pag-unlad, ang progresong kanilang matagal na inantabayanan. Dito nila ibinase ang pagmamahal sa kanila ng alkalde.

Naniniwala kasi itong si Mayor Oca na “walang imposible kung mayroon tayong sipag, tiyaga at determinasyon upang mapa-unlad ang ating buhay,” na  isinasalin niya sa kanyang mga anak na si Along na gayundin ang panuntunan lalo na sa pagpapakita bilang ehemplo sa mamamayan.

Sa aking pagkakatanda, maraming mga bakod ng residente ng Sunriser Village ang giniba dahil sa kautusan ni Mayor Oca na alisin ang mga balakid at paluwangin ang kal­ye upang madaanan ng maayos ng mga sasakyan na makikiraan sa nasabing lugar.

Nainis ang inyong lingkod dahil hindi nakita ng pamunuan ng barangay at ng city hall ang mga sagabal sa kalye ng Llano mula Silanganan hanggang tapat ng Llano Elementary School  na talaga namang nagsisikip kapag naglabasan na ang mga sasakyan sa umaga at mga trak naman sa gabi.

Dahil sa pagbubukas ng Sunriser Village sa mga dumaraan, posibleng malagay sa panganib ang buhay at ari-arian ng mga nakatira roon.

Subalit hindi puwedeng ihagis kay Mayor Oca ang sisi dahil ipinatutupad nito ang tagubilin ng DILG na linisin ang mga kalsada mula sa mga sagabal pero iba ang pag-unawa ng mga opisyal ng barangay na laging gamit ay sumusunod lang sila sa utos ng pangulo.

Naman! Naman! Ang sabi ng pangulo, linisin ang mga bahagi ng pag-aari ng pamahalaan na ginagamit ng mga pribadong mamamayan sa kanilang negosyo o pagkakakitaan.

Natapos na ang 60 days na palugit na ibinigay ng DILG sa mga Local Government Units upang linisin ang mga nasasakupan nila na nagiging dahilan nang mabagal na daloy ng trapiko. At nagsabi ang DILG na magtutuloy-tuloy ang kanilang programa upang mas mapaluwag pa ang mga daanan sa bansa.

Pagtutuunan ng pansin ang mga maliliit na kalye na marami ring sagabal sa pagdaan ng mga sasakyan at mga tao.

Sa Caloocan, hindi na kailangang tingnan ang nagawa ni Mayor Oca dahil nauna na ito sa paglilinis ng mga maliliit na kalye at maging pribadong subdibsiyon kaya dapat na bigyang papuri ito sapagkat hindi pa man iniuutos ng DILG, nauna na si Mayor Oca Malapitan.

Pahabol: Congratulation kay P/MGen. Guillermo Lo­renzo Eleazar, dating director ng National Capital Region Police Office sa pagkakatalaga nito nilang The Chief Directorial Staff ng Philippine National Police. Gayundin, congrats kay P/BGen. Debold Sinas, bagong director ng NCRPO na pumalit kay Eleazar. (NIPIS /  LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment