NAPAKABAGAL PA RIN ANG INTERNET

BAKBAKAN NATIN

NAKAKABUWISIT na ang kabagalan ng internet sa ating bansa hanggang sa kasalukuyan.

Sa nakalipas na taon, binatikos at binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Long Distance Telephone/Smart Telecommunications dahil sa napakabagal na serbisyo ng dalawang kumpanyang ito.

Idiniin pa ni Duterte na kapag hindi bumilis ang internet ng PLDT/Smart, papayagan niya ang “third telco”.

Sa pagkakaroon ng ikatlong kumpanya, mawawala ang tinatawag na “duopoly” (kontrolado ng dalawang kumpanya ang merkado) ng PLDT/Smart.

Ang ikatlong kumpanya ngayon ay ang Mislatel Communications na Dito Telecommunity Corporation na ngayon.

Si Dennis Uy ang may kontrol sa Dito.

Kasosyo niya ang isang Chinese company na pag-aari ng pamahalaang People’s Republic of China.

Kamakailan, pinaalalahanan at binalaan ni Senadora Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa prangkisa ng Dito.

Idiniin ni Poe na dapat ipatupad ng kumpanyang Dito ang nakasaad sa prangkisa ng pagiging ikatlong telco nito.

Idiniin ni Poe na may parusang nakatutok sa Dito kapag pumalpak ito na magkaroon ang 37 porsiyentong populasyon ng bansa ng internet na ang bilis ay 27 megabits per second (mbps) sa unang taon ng operasyon ng Dito na magtatapos sa Hulyo 8, 2020.

Sana, pinaalalahanan din ng senadora si DICT Secretary Gregorio Honasan tungkol sa labis na kabagalan ng internet ng PLDT/Smart, sapagkat ipinangako rin naman ng beteranong kumpanyang ito na paghuhusayin nito ang bilis ng kanilang internet.

Sana binatikos at diretsong pinaalalahanan ni Poe ang pamunuan ng PLDT/Smart sa kapalpakan ng serbisyo nito.

Hanggang ngayon napakabagal ng internet, kabilang ang internet connection ko sa PLDT.

Bukod sa mabagal, madalas pang maputol ang internet connection ko (noong Setyembre at ngayong Nobyembre), samantalang regular akong nagbabayad.

Siyempre, apektado ang trabaho ko dahil nakakonekta sa internet ang pagpapasa ko ng kolum ko sa Diaryo Bomba at Saksi Ngayon, editoryal at special report ko para sa Diaryo Bomba.

Ang mabilis lang sa PLDT ay maningil kada buwan.

Walang problema rito kung nagpakahusay ang PLDT sa paniningil, sapagkat ganito man mag-isip ang mga kapitalista.

Ang nakababanas ay palpak ang serbisyo ng PLDT.

Siguradung-sigurado ako na hindi lang ako ang nakararanas ng palpak na serbisyo ng PLDT.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment