NAMBABRASO ANG OCEAN ADVENTURE, MOONBAY MARINA AT BRIGHTER DAY SA SBMA

ITO ANG TOTOO

MAHIRAP ang kalagayan ng isang namumuno sa isang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na namamahala sa Subic Bay Freeport Zone.

Ito Ang Totoo: marami kasing paraan para mapwersa na kunsintihin ang mga may nilalabag na patakaran o gumagawa ng kalokohan.

Halimbawa rito ang pagiging Chairman at Administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Magugunitang kamakailan ay binugbog sa national daily na Manila Times si SBMA Chairman & Administrator Wilma Eisma nang iutos nito ang pagpapasara ng Manila Times College sa Subic Freeport dahil may P100 milyon na ang utang na hindi binabayaran.

Ito Ang Totoo: hindi natinag si Eisma sa bakbak ng Manila Times at sa ngayon ay nakipagkasundo na ito sa “payment scheme” para makabayad sa utang at makapagpatuloy ng operasyon.

Ngayon, tatlong kumpanya ang nagtutulong-tulong na bumakbak kay Eisma, ang SBMEI (Ocean Adventure), Brighter Day (All Hands Beach) at Moon Bay Marina na pare-parehong may mga utang at/o violations sa mga patakaran sa pagnenegosyo sa Subic Freeport.

Ang SBMEI ay may kasong illegal reclamation at construction, pagsasara ng kalsada at kabiguang tumupad sa “development commitments” bukod sa utang na P6.8M.

Ang Brighterday ay nakikipagtalo sa kompyutasyon ng dapat nitong bayaran sa SBMA.

Ang Moonbay Marina naman ay may atas sa SBMA ang Commission on Audit (COA) na baguhin ang terms ng kontrata nito dahil “grossly disadvantageous” o lubhang dehado ang gobyerno dahil sa baba ng upa na P1/sq. m sa 16.6 hectares na inokupahan nito.

Katunayan, 16 taon na ang nakalipas, nasa P3.10 per. Sq. meter lang ngayon ang upa ng Moonbay Marina kahit may taunang pagtaas na 3% hanggang 7%.

Bukod sa utos ng COA, hindi rin nakatupad ang Moonbay Marina sa “development commitment” nito na tinapos dapat sa loob ng tatlong taon.

Ito Ang Totoo: kung hindi umubra ang Manila Times, sa Philippine Daily Inquirer na nilabasan ng nagkakaisang banat ng tatlong kumpanya sa kanya ay hindi nakasisiguro si Eisma.

Kapatid kasi ng may-ari ng Moonbay Marina si Rolly Fernandez na may hawak ng Northern Luzon Bureau ng Inquirer kaya inaasahang tuloy-tuloy na ang banat ng grupo sa naturang maimpluwensiyang diyaryo.

Sa pagkakaalam naman natin, “fair” si Fernandez sa pagtrato sa mga balita pero sa bagay na ito, tingnan natin kung mananatili itong totoo. (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Related posts

Leave a Comment