NAKAWAN SA ROSEBETH LODGE

BOMBAHAN NA FINAL

IBANG klase raw mang-api ng parokyano itong konsehal ng Balaoan, La Union na may-ari ng Rosebeth Lodge na matatagpuan sa Brgy. Paras, Candon City.

Imbes daw kasing humingi ng paumanhin matapos manakawan ang kanilang mga kostumer ay tila ang mga ito pa ang sinisi ng konsehal.

Sabi umano ng konsehal ay, kung may pagkukulang ang kanyang mga tauhan na bantay ng kanilang motel ay mayroon ding pagkukulang ang mga nag-check-in sa kanila.

Aba Madam, sagot niyo ang seguridad ng inyong kliyente.

Hindi nila pagkukulang na nanakawan sila, kayo ang may pagkukulang.

Nakaka-high blood kayo ah!

Malinaw ang sinabi ng nagreklamong si Mang Ben na bago sila nag-check-in ay tinanong pa niya ang tauhan ng lodging house kung ligtas ba ang kanilang pananatili roon.

Himayin po natin ang kwento.

Batay po sa hawak ng BOMBAHAN NA na blotter o police report ng Candon PNP, dakong alas-7:10 ng umaga noong Hulyo 27, 2019 nang iulat ang nakawan sa Rosebeth Lodge at apat agad ang biktima sa loob lamang ng isang gabi.

Ang mga biktima ay sina Jane Bumagat Bautista, 50-anyos, OFW na nagbabakasyon lang kasama ang anak na si Anjo at mister na si Ruben. Ang mga ito ay residente ng Paniqui, Tarlac na nag-check-in sa room 16.

Natuklasan ng mag-anak kinabukasan na wala na ang kanilang bag kung saan nakalagay ang 850 Euro money at P50K na kanilang winithdraw bago pa man sila nag-check-in sa nasabing lodging house.

Nanakawan din si Vanessa Saleng Rivera, 19-anyos, estudyante, residente ng Brgy. Pila, Cabugao, Ilocos Sur na nag-check-in sa room 3 at natangayan naman ng itim na Acer laptop na nagkakahalaga ng P28,000.00.

Biktima rin sina Justo Bassig Banatao, 42-anyos, residente ng Brgy. San Fermin, Caoayan, Isabela, na nag-check-in sa room D; Via De Leon Gadingan, 23-anyos, ng Brgy. Mabayag, Galimuyod at Zet Tudayan Ortiz, 22-anyos, residente ng Brgy. Palacpac, kapwa sa nasabing siyudad na umokupa sa room 20.

Sa panayam ng BOMBAHAN NA kay Mang Ben, sinabi nitong narekober ang kanilang bag sa likuran lang ng lodging house ngunit wala na ang laman nitong pera. Iniwan naman aniya ng magnanakaw ang kanilang mga passport at iba pang mahahalagang papel.

Sa parte ring iyon ng lodging house natagpuan ang bag ng isa pang biktima at wala na ring lamang pera.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Candon PNP, nakita sa CCTV na nakakabit sa gate ng lodging house na may taong sumungkit ng bagay mula sa room 16 na siyang inookupahan ng pamilya ni Ruben, dakong alas-3 ng madaling araw.

Ngunit ang CCTV recording ay biglang naputol kaya hindi na nakita ang mga sumunod na pangyayari.

Duda tuloy ni Mang Ben ay ‘inside job’ ang pagnanakaw sa kanila dahil maging duplicate ng susi ng kanilang kuwarto ay hindi sila binigyan ng mga tauhan ng Rosebeth Lodge.

Sinabi pa ni Mang Ben na nadiskubre nila kinabukasan na ang bintana kung saan sinungkit ang kanilang bag ay bukas ang salamin at tinakpan lang ng kurtina para magmukhang sarado.

“Kung may nai-record sa CCTV na may nanunungkit ng aming gamit, bakit hindi agad pinuntahan ng nagmo-monitor sa CCTV para masita ang magnanakaw?,” tanong na may himig paghihinala ni Mang Ruben.

Sa panayam ng BOMBAHAN NA sa ilang tauhan ng Candon PNP, malinaw na may kapabayaan ang management ng nasabing lodging house dahil wala umano itong security guard na nangangalaga ng seguridad ng kanilang mga parokyano at sira-sira rin ang bakod nito sa likurang bahagi.

Maging ang CCTV nito ay nasa parteng gate lang ng lodging house nakalagay kaya’t hindi malinaw ang kuha nito sa magnanakaw na nanungkit ng bag sa room 16.

May karugtong.

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment