NAKAKAINIS NA PARKING AT PARKING FEE

NIPIS

KAHIT saan panig ng Metro Manila, hindi mawawalan ng mga sasakyan na ang mga sakay o pasahero ay nagtutungo sa malls,  department stores, entertainment places, hotels, restaurants  at mga katulad nito.

Palasak na ngayon ang mga sasakyan na kahit pangkaraniwang mamamayan ay kayang kaya na bumili o kumuha ng hulugan sa mga banko at iba’t ibang lending ins­titutions.

At lalong ang mga tao ngayon ay mas nais na kumain, magkuwentuhan, magbonding, magsosyalan at mamasyal sa mga magaganda at mamahaling lugar. Siyempre, hindi sila makakapunta sa mga ganitong lugar kung hindi magdadala ng kani-kanilang mga sasakyan na kadalasan ay sanhi ng traffic sa mga kalsada.

Labas na tayo sa problema ng trapiko dahil pilit naman itong sinusolusyunan ng mga opisyal ng pamahalaan lalo na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police-Highway Patrol Group at local traffic enforcement units.

Ang usapin na ating tututukan ay ang mga parking lalo na sa mga mall, hotels, restaurants na binabayaran ng medyo may kataasan ang presyo lalo na kapag valet parking.

Kapag pumarada sa malls, bumabayad ang may-ari o driver ng isang sasakyan ng pinakamababa ang P40 sa loob ng tatlong oras, pwera na lang sa SM chain of department stores na P40 ang talagang bayad. OO nakaparada ka nga pero hindi ka naman sigurado na mabibigyang proteksyon ang iyong sasakyan dahil nakasulat sa tiket na ibibigay sa iyo na ingatan ang mga gamit dahil wala silang pananagutan kapag nawala.

Ano? Paano kung nabiktima ng basag salamin sa loob ng mall o hotel? Wala rin silang pananagutan? Eh nasa loob kaya ng kanilang teritoryo? Di ba dapat may responsibilidad sila na pabantayan ang mga sasakyan?

Ang valet parking ay nakapamahal sa mga hotel. Bumayad ka na nga ng mahal sa hotel na kinainan mo, sisingilin ka pa ng mahal sa valet parking. Kasalanan naman nila dahil wala na silang nakalaang parking para sa customer.

Ang iba kasi, sinasad­yang magreserba sa valet parking dahil mas malaki ang kita rito ng mga attendant. Sabagay pati ang establisimyento ay mas malaki ang kita.

Dapat talagang magkaroon na ng panukalang batas na magreregulate ng parking fees hindi lang sa malls, restaurant at esta­blisimyento subalit maging sa mga ospital. Opo, maging sa ospital ay may parking fee at napakahirap pang pumarada.

Kahit sa mga city hall, trial court, police station at iba pa ay napakahirap pumarada at may kataasan ang parking fee.

Kaya nga panawagan sa mababa at mataas na kapulu­ngan na umaksyon naman para sa usapin ng parking. Kung ang traffic ay problema na ngayon, mas lalo ang parking. Marami ang nale-late sa appointment dahil sa hirap ng parking. Tapos mahal pa ang bayad. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment