NAGPAPA-UPA, UMUUPA HUMINGI NG PAYO SA BOMBAHAN NA

BOMBAHAN NA FINAL

NOONG nakaraang Oktubre 29, 2019, dakong alas-12:47 ng hapon dumating ang email sa atin mula kay Aries Esperanza.

Narito po ang laman ng kanyang email:

May tanong lang po ako about sa pagpapaupa, hingi na din po ako ng payo, nanay ko po kasi nagpapaupa ng bahay ung umuupa po sa amin hindi na po nakabayad ng dalawang buwan higit pa dun nahatak na po ung metro ng Meralco nila wala na po silang kuryente, tapos po kinaumagahan ginawa ng umuupa sa amin nilagyan ng tap ung metro ng Meralco para po magkakuryente sila, ilegal na po ginawa nila at mapapahamak pa ung metro ng Meralco ng paupahan ng nanay ko. Pinatanggal na din po ng nanay ko ung tap. Natatakot lang po ako kasi sa susunod panigurado baka maputulan naman ng tubig ung paupahan ng nanay ko. Ano po ba ang dapat gawin ng nanay ko? maraming salamat po.

Sagot:

Magandang araw po, Aries,

Mali po ang ginawa ng nag-uupa sa nanay mo na mag-tap siya sa linya ng kuryente ng Meralco, tama po kayo na ang mapapahamak ang inyong ina pag nalaman na ang nakatira sa inyo ay ilegal na nag-tap ng kuryente.

Kung sa nanay nyo po nakapangalan ang kuryente na nakakabit sa bahay nila sa kanya po ipapataw ang multa niyan pag nahuli ng inspector ng Meralco yan.

Mas makabubuti po na ipatawag n’yo sa barangay ang nag-uupa sa nanay niyo at dun n’yo pag-usapan ang problema na yan.

Para maiwasan po ang sigalot at para dun na rin ang magkasundo ang kagkabilang panig tungkol sa usapin na yan. Maraming Salamat po sa tiwala!

oOo

Nag-email din po si Princes Daisy Gula sa BOMBAHAN NA noong nakaraang Nobyembre 11, 2019, dakong alas-5: 18 ng umaga tungkol sa kanilang inuupahan.

Narito po ang bahagi ng nilalalam ng kanyang email:

Good morning po, gusto ko pong humingi ng advice kung ano po  ang dapat kung gawin. Kalilipat ko lang po dito sa inuupahan kong bahay, bali may isang buwan lang po ako dito. Ngayon po wala po kaming contract ng may-ari ng bahay. Bali ang dating nangupahan dito ay co-parent ko. Sa telephone lang kami nag-usap ng may-ari ng bahay. Nagkaayos kami ng may-ari ng bahay na ako na ang uupa sa paupahan nya pag kaalis ng co-parent ko. At ipinadala ko sa kanya ang down payment at advance through Palawan na 8,000 pesos na bawasan po ng transaction fee. Ngayon po, wala pa po ako isang linggo bigla po siya ay nag-text sa akin na hanggang katapusan na lang ng October kami dito, kasi daw babakbakin yong bahay nila dahil sa gagawa ng side walk. Eh ang laki pa po ng space sa harapan ng bahay na ito. Pati po yong katabing bahay pinaalis din po n’ya, tapos ngayon may naka­lagay na for rent. At tinaasan nya ng upa dating P4,500 ngayon mas mataas na kasi malapit sa palengke at terminal ng jeep. Eh kalilipat lang din po dito ang palengke at terminal ng jeep ilang buwan palang po. Ngayon po sabi sa akin ng may-ari ng bahay na dapat makaalis na kami ng katapusan ng October eh wala pa po akong isang linggo dito sa bahay n’ya. Ibabalik nalang daw niya yong P4,000 na deposit ko. Para magamit ko sa paghahanap ng malilipatan. Binalik Naman po n’ya yong P4,000. Ngayon po humingi ako ng extension hanggang Nov. 8, kaso bago po kami makaalis nagkaproblema sa lilipatan sana namin. Kaya ngayon po himingi uli ako ng extension sa may-ari. Na dito muna kami, babayaran ko naman ang upa hanggang makahanap ako uli ng malilipatan. Hindi po s’ya pumayag. Kasi may naka-usap na siyang uupa dito at gagawing bigasan sa halagang P10,000 pesos. Ano po ba ang dapat kung gawin? Bali po sa ngayon nagamit ko na po yong advance ko na P4000 wala na po akong deposit dito. Sa Dec 1 po uli ako mag-iisang buwan uli. Sana po matulungan n’yo po ako. Salamat po. PS. Attorney daw po ang may-ari ng bahay.

Yan po  ang sulat ni Daisy sa BOMBAHAN NA sa pamamagitan ng email.

Sagot:

Napansin po ng BOMBAHAN NA sa huling paragraph ng email ni Maam Daisy na may binanggit na ‘PS Attorney’ daw po ang may-ari ng paupahan na inuokupa niya.

Kung totoong abogado po ang may-ari ng paupahan na inuokupahan ni Maam Daisy dapat alam n’ya po ang Republic Act (RA) No. 9653 o mas kilala sa tawag na “Rent Control Act of 2009”.

Una po, dapat may kontrata siyang ibinibigay sa mga nag-uupa sa kanya.

Sa Section 2. ‘Declaration of Policy’ – hindi basta pwedeng magtaas ng upa ang may-ari ng paupahan upang protektahan ang mababang kita ng mga nag-uupa.

Ito pa sa Section 4. ‘Limit on Increase in Rent’ – sa loob ng isang taon mula na naging epektibo ang batas, walang pagtataas na dapat ipatupad sa mga residential unit na sakop nito.

Magtaas man ng buwanang renta ay hindi lalagpas ng 7% taunan hanggang nakaokupa pa ang dating nangungupahan.

Kung mababakante naman ang residential unit mula sa dating nag-uupa (lessee) ay maaari nang tumanggap ang nagpapaupa (lessor) ng panibagong mag-uupa.

Sa Section 5. ‘Coverage of this Act’ – sakop nito lahat ng residential units sa National Capital Region at iba pang highly urbanized city o mauunlad na siyudad sa buong bansa.

Tinutukoy po ang renta ay mula sa P1.00 hanggang P10,000 at lahat ng residential units sa iba pang lugar na may buwanang upa mula P1.00 hanggang P5,000 na walang nananatiling kontrata.

Sa section 6.’ Authority to Continue Rental Regulation’ – ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) kasama ng National Statistics Office, ang magtatakda kung nararapat ba ang pagtataas base sa inflation rate on rentals.

Base naman sa Section 7. ‘Rent and Requirement of Bank Deposit’ – ang renta ay kailangan bayaran ng mas maaga ng limang araw kada buwan o depende sa nakalagay sa kontrata.

Sa Section 9. ‘Grounds for Judicial Ejectment’ – Maaari lamang paalisin ang nangu­ngupahan kung sa loob ng tatlong buwan ay hindi na siya nakakabayad ng renta.

Hindi rin basta-basta pwedeng paalisin ang nangungupahan na hindi natatapos ang kanilang kontrata.

Kinakailangan ding magbigay ng nagpapaupa ng kaukulang formal notice sa nangungupahan sa loob ng tatlong buwan.

Ipinagbabawal din sa batas na ito ang gawing dahilan ng pagbebenta o pagsanla ng may-ari ng residential unit kaya niya pinaalis ang mga nangungupahan sa kanila.

Ang sinumang lumabag nito base sa Sec. 13.  Penalties, ay pagmumultahin ng hindi bababa ng twenty-five thousand pesos (P25,000.00) at hindi naman lalagpas ng fifty thousand pesos (P50,000.00) o pagkakulong ng  hindi bababa ng isang taon at isang araw at hindi lalagpas ng anim na buwan.

‘Wag po natin balewalain ang batas.

Dapat po sa mga barangay ay alam nila ang RA No. 9653 o “Rent Control Act of 2009”.

Simula po nang ilabas ng BOMBAHAN NA ang isyung ito ay marami na ang humingi ng advise sa atin.

Marami po kasing hindi nakakaalam sa batas na ito.

Mas nakakaalam po sa usa­ping ito ay ang mga tanggapan ng gobyerno na HUDCC at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Pero kung mareresolba naman ang usapin sa paupahan sa barangay level pa lamang ay mas maganda.

Kaya dapat ang mga Lupon-Taga Pamayapa ng Barangay ay alam nila ang RA No. 9653 o “Rent Control Act of 2009”.

May hinihiling lang po ang BOMBAHAN NA sa mga humihingi ng advise at mga tanong, dapat po ilagay ang inyong mga pangalan at address.

Muli maraming salamat po sa inyong tiwala.

Pagpalain po tayo ng Poong May Kapal.

oOo

Pasubugin ang katiwalian isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com/operarioj45@gmail.com. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment