NAG-ALA NOSTRADAMUS ANG PANGULO

TINIG NG MANGGAGAWA final

DALAWAMPU’T LIMANG taon na lamang daw ang Katolisismo.

Dalawang linggo mula nang isulat ko sa kolum na ito ang pagpuna sa ginagawang paglapastangan ng ating presidente sa relihiyong Romano Katolika at sa mga alagad nito, biglang kambyo naman ito sa kanyang pinagsasabi.

Hindi ko sinasabing nabasa ito ni Pangulong Digong kaya nagbago ang timpla ng kanyang pahayag. Matatandaan, walang pakundangan kung murahin ni Digong ang mga alagad ng simbahang Katolika na humantong pa sa puntong tawagin na “ISTUPIDO” and Diyos at hikayatin ang mga “adik’ na saktan at pagnakawan pa ang mga ito (obispo).

Kamakailan, ilang obispo at pari ang nagbunyag na sila ay nakatatanggap ng death threat sa pamamagitan ng text sa cellphone. Isa na rito si Bishop Pablo Virgilio David ng Caloocan City na isang kilalang kritiko ni Digong.

Ngunit sa isang talumpati ng presidente sa ginanap na pamumudmod ng Unconditional Cash Transfer (UCT) para sa mga benepisyaryo nito sa Cebu, biglang hugas-kamay si Digong sa mga paratang at sabay turo sa mga kalaban na siya umanong may kagagawan ng mga pagbabanta.

“Ang sagot ko ganito, ‘yang away ko sa Katoliko, amin lang ‘yan personal. Kayong mga adik h’wag ninyong totohanin ‘yung pukpukin ‘yung Bishop at Kardinal, hindi sila kasali sa political ruckus.” ani ng pangulo.

Natural sa puntong ito, naglabasan na naman ang mga litid sa leeg ng kanyang “spokesman” sabay ng pagdepensa at pagsabing nagbibiro lamang ang presidente.

Ayos na sana ang diskarte ng pangulo ngunit sumemplang na naman sa kanyang huling banat. Nag-ala propetang NOSTRADAMUS ito.

Tahasang sinabi ng mahal nating “poon” este pangulo, tatagal na lamang daw ng 25 na taon ang Katolisismo sa ating bansa. Nakalulungkot na sa isang presidente maririnig ang ganitong mga pahayag. Anoman ang kanyang basehan, hindi ito karapat-dapat na mamutawi sa bibig ng isang lingkod-bayan, lalupa’t pinakamataas na lider ng bansa.

Minsan pa, uulitin ko ang natutunan ko sa elementarya – upang maiwasang makasakit sa damdamin ng kapwa, huwag pag-usapan sa isang seryosong talakayan ang pag-alipusta sa KASARIAN, TRABAHO, LENGGUWAHE, LAHI, at higit sa lahat ay ang RELIHIYON.

Para sa mga alipores ng pangulo. Sana gabayan n’yo ang inyong amo sa tamang daan. Huwag sa dating daan, huwag lang sa “appointed son”. At lalong-lalo na, huwag na huwag lamang makikinig sa grupong nagsabing sila lang ang EXCLUSIVE na mapupunta sa langit.

Mahal na Pangulong Digong, kayo po ay pangulo ng Pilipinas. Ang Pilipinas ay binubuo ng iba’t ibang relihiyon.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com. (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Related posts

Leave a Comment