MUNGKAHI NA GAWING GAMOT ANG MARIJUANA, PAG-ARALANG MAIGI

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

NAIS ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pag-aralang maigi kung maaari nga bang gamitin ang Marijuana bilang gamot. Sa pana­yam ng inyong lingkod kay Director Carreon, sa aking programa sa social media live at youtube channel, sinabi nito na nakatakda nang umpisahan ang pagsasaliksik ng kanilang ahensya tungkol sa paggamit ng Marijuana bilang gamot.

Ang magiging resulta ng kanilang pag-aaral ay gagamitin sa Kongreso at Senado para makatulong sa deliberasyon kaugnay sa naturang panukala. Matatandaang noong nakaraang 17th Congress ay inaprubahan na sa Kamara ang panukalang paggamit ng medical marijuana subalit bigo itong makalusot sa senado.

Sinasabing sa pagbubukas ng 18th Congress, nakatakda itong muling talakayin kung saan nakapaloob sa nasabing batas ang:  (1). Paggamit ng medical Marijuana bilang gamot para sa malalang sakit. (2). Pagpapatayo ng Medical Cannabis Compassionate Center na siyang res­ponsable sa pagbibigay ng medical Marijuana sa mga kwalipikadong pasyente.

Nilinaw rin ni Carreon sa inyong lingkod na ang sinasabing medicinal Marijuana ay gamot na sasamahan o may sangkap lamang na Marijuana at hindi iyong mismong halaman na Marijuana.

Sa ganang akin, tama ang desisyon ng PDEA sa pamumuno ni Director General Aaron Aquino na pag-aralan muna ang pagsasabatas  ng medicinal Marijuana bago ito tuluyang aprubahan at tiyaking maigi kung may medicinal value ba talaga ito sa mga taong may sakit na gagamit nito.

Mahirap kasi kung hindi mapag-aralan ang nasabing panukala at sa sandaling ma­ging batas na ito ay baka naman maraming kabataan ang gu­mamit nito at makasira sa kanilang kalusugan at kinabukasan dahil ang Marijuana ay nakakaadik at nakaka-high din.

Bilib tayo kay PDEA Director General Aaron Aquino. May tapang at malasakit sa mga Pilipino at maging sa gobyerno kung saan dibdiban ang kanyang pagpupursige na malansag ang iligal na droga sa bansa.  (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment