MMDA AT LTFRB, ANONG GINAWA N’YO SA EDSA?

KAAA BOOM

MALABANGUNGOT ang pagsisikip sa EDSA na dinanas ng mga commuter nitong mga nagdaang araw hanggang kahapon. Bakit?

‘Nak ng teteng, grabe ang traffic sa EDSA na nagresulta upang ma-late sa kanilang trabaho ang mga obrero, at hindi lang basta late, sobrang late dahil sa malapagong na usad ng trapiko.

Ano ang dahilan ng sobrang traffic na naranasan ng publiko sa EDSA? Hindi kaya ang gustong mangyari ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at itong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na P2P o ang pagbabawal sa mga provincial bus na makadaan sa EDSA ang dahilan? Bakit?

E, paano ba naman, napahiya ang dalawang ahensya nang katigan ng korte ang isinampang kaso ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc., at iba’t ibang bus companies.

Kasi sa kautusan na inilabas ni Judge Caridad Walse-Lutero ng QCRTC Branch 223 noong July 31, sinabing tila walang basehan ang pagsasabing provincial buses ang sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko.

Ipinunto pa ng korte na walang klarong distinction na inilabas ukol sa P2P buses na galing sa probinsya o provincial buses at city buses at binigyan naman ng hanggang August 14 ang panig ng pamahalaan na magsumite ng tugon. Nakupo!

Ibig sabihin, hanggang August 14 pa magdurusa ang publiko sa traffic sa EDSA?

Nasabi ko ito dahil simula nang pigilan ng korte ang plano ng MMDA at LTFRB ay nagkalintek-lintek na ang trapiko sa nasabing lansangan na tila pinabayaan na para nga naman may maidahilan sa korte na payagan na ang planong pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA?

Nasaan kaya si Col. Bong Nebrija na itinalagang EDSA Traffic Manager? Anong nangyari sa EDSA nitong mga nakalipas na araw? Nagtatanong lang po.

Itong gustong mangyari ng MMDA at LTFRB ay pahirap sa libo-libong mananakay ng provincial buses para makarating sa Metro Manila o palabas.

Nais ng dalawang ahensya na pagbawalan nang dumaan sa EDSA ang provincial buses sa paniwala nilang isa ito sa nagpapasikip sa trapiko sa Metro Manila samantalang lumalabas na ilang porsiyento lamang ang bilang ng provincial buses na gumagamit ng EDSA araw-araw.

Kung oobserbahan ang totoong nagpapabigat sa trapiko sa EDSA ay makikita ang milyong pribadong sasakyan na umaabot sa 70 porsiyento at ang Metro Manila buses na pinatatakbo ng mga pasaway na driver.

Kung susuriin nga, hindi lang libo kundi daang libo araw-araw o baka aabot pa sa isang milyon ang pahihirapan ng mga opisyal ng MMDA at LTFRB sa oras na matuloy ang kanilang balak.

Ang nakatatawa pa sa solusyon ng LTFRB at MMDA, mayroon naman daw buses na magiging alternatibo na maghahatid sa mga mananakay sa integrated terminal exchange sa Valenzuela at Sta. Rosa, Laguna o vice versa.

Di ba parang ginagawa tayong tanga ng MMDA at LTFRB dahil bakit pagbabawalan pa ang provincial buses gayung papalitan din pala ng mga point to point bus?

Siyempre ang mangyayari ay mag-iisyu ang LTFRB ng bagong prangkisa sa karagdagang point to point buses. Naiisip n’yo rin ba ang naiisip ko?  (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment