MGA PAPELES NG SASAKYAN PINEKE NG OPISYAL NG PNP

BOMBAHAN NA FINAL

NAGREKLAMO ang apo ng namayapang comedy king na si Dolphy na tinangay ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang sasakyan na binili na second hand.

Ang reklamo ni Roland Bill Quizon, anak ni Rolly Quizon, ay nag-ugat sa umano’y bigla na lang pagkuha o pag-agaw ng isang Herminio Tadeo Jr., umano’y police colonel, ang kanyang nabi­ling Ford Ranger mula sa isang Rommel Gutierrez.

Iisa-isahin ng ka-BOMBAHAN NA ang kuwento ng pagsasalin-salin ng pag-aari sa nasabing sasakyan na nabiling brand new ng Goldrock Construction and Development Corporation na naisalin naman sa Milestone Gua­ranty and Assurance Corporation sa pamamagitan ng presidente ng nasabing kumpanya na si Norberto Sauco.

Nabatid pa ng BOMBAHAN NA na nabili naman ni Rommel Gutierrez sa halagang P400,000 ang nasabing sasakyan na may kumpletong papeles mula kay Sauco bago naipasa kay Quizon na ang pinag­hawakan ay “open deed of sale.”

Matapos mabili ni Quizon ang nasabing sasakyan, bigla na lang lumutang si Tadeo at inangkin ang sasakyang nabili ng apo ng comedy king.

Mabuti na lang, lumutang ang unang may-ari ng sasakyan na si Alselmo Tuplano ng Goldrock Construction and Development Corporation na nagsabing siya ang orihinal na may-ari nang pinag-aawayang puting Ford Ranger model 2014.

Sinabi nitong si Tuplano na wala siyang na­ging transaksyon sa isang Herminio Tadeo Jr. Ang natatandaan niya umano ay kaagad niyang ibinenta ang sasakyan sa Milestone Guaranty & Assurance Corporation sa pamamagitan ng Presidente na si Norberto Sauco.

Subalit nang kunin ni Tadeo ang sasakyan mula kay Quizon ay may ipinakita itong deed of sale na pirmado ni Tadeo.

Aba, aba, aba dapat talagang tirahin ng BOMBAHAN NA itong si Tadeo na umano’y colonel dahil hindi magandang halimbawa ang kanyang ginagawang katarantaduhan sapagkat siya dapat ang magbigay proteksyon sa mamamayan at hindi siya ang dapat na mang-api.

Paano mo maipapaliwanag ngayon ang rek­lamo sa iyo Col. Tadeo?

Naikuwento pa ng nagrereklamo kung paano inagaw sa kaniya ang sasakyan na hindi rin naman tamang asal ng isang opisyal ng pulisya.

Nabatid na ilang armadong lalaki ang nagtungo sa opisina ng amo ni Quizon sa San Simon, Pampanga kung saan nagkataon na wala roon  ang apo ng pumanaw na comedian kaya’t pinabalik siya ng kanyang amo dahil may naghahanap na mga lalaki sa kanya.

Mabilis na bumalik sa Quizon subalit nagpasama sa kanya ang mga lalaki patungo sa talyer ng isang Ronald Lorenzo sa Barangay Sulipan, Apalit, Pampanga at pagdating sa lugar ay hinanap ng mga armadong lalaki ang sasakyang Mitsubishi Montero ng isang Jason Lee Barkin.

Dahil hindi nila alam ang itinatanong, sinagot nila ang mga armadong lalaki na hindi nila alam kaya’t tinangay ng mga ito ang Ford Ranger kasama si Quizon na nilagyan ng piring at iniwan sa sementeryo ng San Simon.

Inabandona naman ng mga armadong lalaki ang Ford Ranger sa San Simon na narekober ng mga tauhan ng Highway Patrol Group kaya’t dinala sa Camp Olivas na sinasabing kinuha naman ni Col. Tadeo matapos ipresinta ang isang ‘deed of sale’  na umano’y binili niya kay Tuplano ang Ford Ranger.

Dito nabuking si Tadeo na hindi totoo ang kanyang sinasabi dahil hindi naman siya umano kahit kailan nakatransaksyon o nakausap si Tadeo.

Naku, lagot na Col. Tadeo, nangangamoy rek­lamo laban sa iyo.

Naku pag nalaman yan ng dalawang magi­giting na mga senador na sina Sen. Ping  Lacson at Sen. Dick Gordon magigisa ka nila sa Senado.

Mga pakibusisi nyo rin po mga sir, kung sino po itong Jason Lee na nagmamay-ari ng Montero na kinuha din ni Col. Tadeo.

Ayon po sa silipero ng BOMBAHAN NA kasama raw itong si Jason Lee ng mga Chinese na nahulihan 400 kilos ng shabu noong 2014 sa Pampanga.

Sinasabi ring si Col. Tadeo ay financier ng talyer ni Lorenzo at madalas tambay doon sina PO1 Torqueza at PO1 Cabilde ng Apalit Pampanga Police Station.

Dapat matakot na si Col. Tadeo dahil kapag nagkaroon ng imbestigasyon at sumabit ang kanyang pangalan kasabay nang pagpapatunay ng kanyang mga kalokohan, tiyak na magsasama sila sa National Bilibid Prison ni Maj. Baloyo.

Tandaan dapat ng mga pulis, “lahat ng baho ay umaalingasaw.”

Abangan… may karugtong pa.

Dios mio mahabagin, Amen.

oOo

Pasabugin ang katiwalian magsumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Related posts

Leave a Comment