MGA MENSAHE PARA SA BOMBAHAN NA

BOMBAHAN NA FINAL

ALAS-10:38 ng umaga nitong nakaraang Oktubre 6 nang may mag-text sa BOMBAHAN NA.

Ang buod ng mensahe ay negatibo laban sa nagbitiw na PNP chief na si Gen. Albayalde at sa kanyang mga dating tauhan na tinaguriang mga “ninja cop”.

Tinanong din ng texter kung bakit wala akong isinusulat tungkol kay Albayalde.

Ang texter ay nagpatago sa alyas na Amigo ng Romblon.

Bilang tugon, nais ko munang humingi ng paumanhin sayo “Amigo” dahil ngayon ko lang nabigyang-pansin ang mensahe mo.

Sa tingin po ng BOMBAHAN NA, mas mabuti ang ginawa ni Albayalde na nag-resign kasi sa dami ng mga heneral na nagdiin sa kanya ay lalo pang nalulubog sa kahihiyan ang buong organisasyon ng PNP.

Hindi po biro na tatlong ka-mistah niya ang nagdiin sa kanya sa usapin ng ‘agaw-bato’ ng ninja cops sa Pampanga ilang taon na ang nakalipas.

Hintayin na lang po natin ang susunod na kabanata dahil may mga impormasyon ang BOMBAHAN NA na sasampahan ng kaso si Gen. Albayalde.

oOo

Pinaaalis ng landlord

Isang alyas Bernadette naman ang nagpadala ng email sa Bombahan na nitong Oktubre 2 at humi­hingi siya ng payo kaugnay ng kanyang inuupahang commercial space.

Nakasaad sa email ni Bernadette na noong Setyembre 10, taong ito ay binigyan sila ng palugit na sampung araw ng kanilang landlord para lisanin ang inuupahang commercial space.

Ani Bernadette, 13-taon na silang umuupa sa lugar at may kontrata na halos pabor sa nagpapaupa pero ngayong taon ay wala na umano silang pinirmahang kontrata.

“Pinaaalis kami para ilipat sa inuupahan namin yung isang nagnenegosyo na tinamaan ng widening at clearing operation dito sa lugar namin. Sa dami naming umuupa at kami ang halos pinakamatagal, kami pa ang pinaalis. Samantalang yung iba, hindi naman. Kung magsasampa po ba ako ng kaso sa may-ari, may laban po ba kami? Kasi ang laking perwisyo sa amin dahil naapektuhan ang aming hanapbuhay.” Bahagi ng email ni Bernadette.

oOo

Sinisingil ng interes

Isa pang tagasubaybay ng BOMBAHAN NA ang nagpadala ng email para idulog ang kanyang problema sa bahay na inuupahan niya mahigit tatlong taon na ngayon.

Ayon sa nagrereklamong si alyas John, isang OFW, na taga-Tabaco City sa Albay, naospital ang kanyang misis kaya hindi sila nakapagbayad ng isang buwang upa.

Nagulat si John nang padalhan siya ng mensahe ng kanilang landlord na nagsasabing kailangan nilang magbayad ng interes dahil sa pagka-delay ng kanilang bayad sa upa.

Ang banta pa raw ng landlord ay kung hindi nila tutubuan ang renta ay maghanap na sila ng ibang matitirhan ngayong Oktubre.

Isinumbong din ni alyas John na walang iniisyung official receipt ang may-ari ng paupahan tuwing magbabayad sila kundi tanging papel na sulat-kamay ang nilalaman.

Tanong pa niya, “Ano po ang maaaring hakbang namin kontra sa nagpapaupa kung ang kondisyon niya tulad ng nasulat ko ay hindi karapat-dapat para sa umuupa?”

oOo

Binabaha ang inuupahan

Tanong naman ni alyas “Shayne”, ano ang dapat gawin kung ang inuupahang bahay ay binabaha sa loob taliwas sa sinasabi ng nagpapaupa na maayos ang bahay?

Dahil umano sa pagpasok ng tubig sa kanilang tirahan ay may mga gamit nang nasira kina Shane. Tanong niya, “May karapatan po ba ka­ming umalis at ipasagot sa kanila ang gastos sa paglilipat ng mga gamit?”

Ayon pa kay Shane, makailang ulit na nilang ipinaalam sa kanilang landlord na malakas ang tubig na pumapasok partikular sa kusina tuwing bumubuhos ang ulan pero wala itong aksyon.

oOo

Salamat po sa inyong pagtangkilik sa BOMBAHAN NA, mangyaring hintayin na lamang ang aking tugon sa inyong email.

oOo

Pasabugin ang katiwalian, magsumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa 0977-751-18-40. (BOMBAHAN NA! / JOEL AMONGO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment