MGA KANDIDATONG MAKA-DIYOS, MAKATAO AT MAKABAYAN ANG DAPAT INIENDORSO NI VELARDE 

CHRISTIAN BOMB

HINDI nagustuhan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang pag-endorso ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde kina ex-Sen. Bong Revilla, ex-Sen. Jinggoy Estrada, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at dating Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Para kay Pabillo, hindi raw dapat nag-i-endorso si Velarde ng mga kandidatong may bahid ang pagkatao, tulad nina Revilla at Estrada na kapwa nasangkot sa pork barrel scam, Gov. Marcos na anak ng dating diktador na si ex-Pres. Ferdinand Marcos, Sr. at ex-Gen. Dela Rosa na namuno noon sa madugong drug war ng gobyerno na ikinasawi ng napakaraming mahihirap na drug pusher at drug addict.

May punto si Pabillo na kondenahin si Velarde, dahil ang religious group ay nakapaloob sa Catholic church na nangangaral sa mga Katoliko na masamang magnakaw, mang-abuso ng kapwa at pumatay ng tao.

Hindi lamang si Pabillo ang bumatikos sa pag-i-endorso ni Velarde kina Revilla, Estrada, Marcos at Dela Rosa, kundi maging ang mga debotong Katoliko.

May pagkakataon pa si Velarde na baguhin ang kanyang naging desisyon, ang pag-endorso sa kandidatura nina Revilla, Estrada, Marcos at Dela Rosa.

Kung tutuusin nga, dapat ay kahit isa sa mga kandidato ng PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago ay walang i-endorso si Velarde dahil ang mga kandidato ng mga partidong ito ay nakasuporta sa deadly drug war ng kilalang human rights violator na si Pangulong Duterte.

Bilang lider ng charismatic group ng Catholic church, dapat ang ini-endorso ni Velarde ay mga kandidatong maka-Diyos, makatao at makaba­yan.

Sakaling hindi baguhin o iurong ni Velarde ang endorso niya kina Revilla, Estrada, Marcos at Dela Rosa, at maging sa iba pang kandidato ni Pangulong Duterte ay baka maging dahilan ito ng paghina ng suporta ng mga Katoliko sa kanyang charismatic group na El Shaddai.  (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment