MGA EX-GENERAL AT JUETENG LORD DAPAT PAKASUHAN NI DUTERTE SA ANOMALYA SA PCSO

CHRISTIAN BOMB

DAHIL daw sa corruption kaya’t ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng palaro o pasugal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pero makalipas lang ang dalawang araw ay pinayagan ng presidente na muling mag-operate ang lotto.

Ang hindi na lang pinayagan ni Pangulong Duterte na mag-operate ay ang small-town lottery (STL), Peryahan ng Bayan at Keno, dahil ang mga namamahala raw sa mga pasugal na ito ng PCSO ang sangkot sa corruption.

Pinatotohanan naman ni Sen. Panfilo Lacson ang mga anomalya sa PCSO, at ang sangkot daw dito ay ang mga ex-military at police generals na nabigyan ng STL franchise.

Sinegundahan ni PCSO Board Member Sandra Cam ang isiniwalat ni Sen. Lacson at sa puntong ito, muli niyang pinangalanan ang sangkot sa mga anomalya at sila ay sina dating PCSO Chairman Jorge Corpuz at dating PCSO General Manager Alexander Balutan.

Ang dalawang ex-general daw na ito ang nagbigay ng prangkisa ng STL sa mga kapwa nila ex-military at police generals, na ang ginawa naman daw ay ang STL franchise na napasakanila ay ibinigay naman sa mga jueteng lord kaya ang resulta, ang malaking kita para sa operasyon ng STL na ginawang jueteng operations ay hindi napupunta sa PCSO, kundi sa bulsa ng mga gambling lord bumabagsak.

Hindi na bago ang isyung corruption na iyan sa PCSO dahil noon ay nagkaroon na ng imbestigasyon diyan ang Senado at Kamara, at noon pa lumutang na ang STL ay ginawang front ng mga jueteng lord sa kanilang iligal na operasyon.

Ilang araw matapos ang mga imbestigasyon noon sa Senado at Kamara ay nag-resign si Corpuz bilang PCSO chairman dahil daw sa kanyang kalusugan, at kalaunan ay nag-resign din si Balutan.

Bagamat wala na sa PCSO sina Corpuz at Balutan, nananatiling hawak ng ilang ex-generals ang STL franchise na siyang ginagamit sa jueteng operations ng mga gambling lord, hanggang dumating sa puntong napuno na si Pangulong Duterte sa corruption sa PCSO kaya ipinatigil ang ilang palaro o pasugal ng ahensyang ito.

Ang banta ni Pangulong Duterte ay papangalanan daw niya mga sangkot sa anomalya, at sana nga pangalanan na at sampahan ng kaso para makulong bilang kabayaran sa ginawa nilang pagbubulsa sa kita ng PCSO, na dapat sana mga mahihirap na humihingi ng tulong pampagamot sa PCSO ang nakinabang dito at hindi ang mga corrupt na ex-general at mga kasabwat nilang jueteng lord. (CHRISTIAN’S BOMB / Chirstian Hernandez)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment