MGA BUWIS NA NAKOKOLEKTA SA POGO DAPAT ISAPUBLIKO

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

HINIKAYAT ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pamahalaan, kabilang na ang Bureau of Internal Revenue (BIR), na isapubliko ang buwis na nakokolekta sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Malaki ang duda ni Barbers na maaaring ba¬hagi na lang ng media hype ang sinasabing malaking kita mula sa online gaming firms lalo na’t iniutos na ang pagpapasara sa mahigit 200 ilegal na POGO.

Sinabi ni Barbers na dapat ding malaman kung sino-sino ang mga kumikita sa paglipana ng kolorum na POGO sa bansa. Mantakin mo nga naman ipinagmamalaki ng Malakanyang na bil-yon-bilyong piso kada taon ang revenue mula sa POGO industry dahil sa bayad sa real state, income tax at value added tax kada taon.

Well, talagang may katwiran si Congresman Ace Barbers na dapat isapubliko ang kita ng POGO para malaman kung kumikita nga ba talaga, sa totoo lamang dapat imbestigahan ng Kongreso at Senado ang paglaganap ng POGO dahil malinaw na ito ay walang permit at halos wala ring working permit ang mga Chinese National na nagtatrabaho sa online POGO.

Kamakailan lamang, may isang branch ng POGO sa Metro Manila ang ininspeksiyon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) para alamin kung may mga working permit ang mga Chinese national, pero nang malaman ng mga operatiba ng BID na halos kalahati sa mga empleyado ng POGO  ay walang working permit, nagdeklara ang mga ito ng raid at hinuli ang mga tauhan na walang working permit.

Ang siste, kaagad na tumawag sa padrino ang may ari ng POGO kung kaya’t namagitan ito at kinausap ang operatiba ng BID, kalaunan, nagkasundo na pakawalan na lamang ang mga Chinese national na walang permit kapalit ng P30 milyong piso.

Ang punto natin dito, mga pare ko, ay ilantad ng PAGCOR at BIR kung magkano talaga ang kinikita ng gobyerno sa operasyon ng POGO.

Malaking sakripisyo sa ating mga kababayang Filipino ang paglipana ng POGO dahil tinuturuan din ng mga Tsino ang ating mga kababayan na magsugal kaya kung wala talagang malaking kita ang gobyerno mula sa operasyon ng POGO, dapat tuluyan na itong ipasara.

oOo

Ugaliing subaybayan ang aking araw-araw na programa sa aking Facebook Live sa LATIGO NEWS TV at YouTube channel LATIGO ONLINE NATIONWIDE NEWS TV. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Related posts

Leave a Comment