MEDIA WORKERS WELFARE ACT

KAAA BOOM

NGAYON pa lamang ay mayroon na agad isinusulong na priority bill ang ACT-CIS partylist na naglalayong panga­lagaan ang kapakanan ng mga mamamahayag sa bansa.

Ang panukalang ‘Media Workers Welfare Act’ ay akda ni ACT-CIS party-list representative Rowena Niña Taduran na ayon sa kanya, pagkatapos ng State of the nation address o SONA ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ay kanya na agad itong ihahain sa Kamara. Ang galing diba?

Si Taduran ay halos tatlong dekada na rin nasa industriya ng media kaya alam nito ang mga nararanasan at mga problema na kinakaharap ng bawat mamamahayag sa bansa kaya naman natutuwa ako na sa unang panukala nito ay inuna nito ang mga kasamahan sa dati na nitong larangang ginagalawan.

Ngayon kasi, tila maiiba na ang mundo ni Taduran dahil ang palagiang makakasalamuha nito ay ang mga politiko na dahil siya ay isa nang kongresista pero sa plano nitong batas ay ikinabilib ito ng mga kasamahan niyang mamamahayag. Bakit?

Hindi naman li­ngid sa mga kapatid natin sa hanapbuhay na mayroong ilang personalidad na mga media na na­ging kongresista at naging mataas na opisyal ng gob­yerno pero wala man lang nakaisip sa kanila na tutukan ang kapakanan ng mga mamamahayag sa bansa.

Ayaw ko ng magsabi ng names dahil alam naman ito ng media sa bansa kung sino sila subalit ‘nganga.’Anong nangyari?

Subalit kay Congw. Taduran, nais nitong agad na mapabuti ang kalagayan ng mga mediaman dahil marahil kanyang minahal nang husto ang mundo na kanyang kinabibilangan noon.

Suportado ko ang akda na ito ng aking kaibigan na si Taduran katulad ng aking katukayo at ginagalang na si Presidential Task Force for Media Security (PTFMS) Executive Director and PCOO Undersecretary Joel Egco na sinusuportahan ang nasabing batas.

Nitong nakaraang araw ay lumagda sa isang memorandum of agreement sa Quezon City sina Egco at Taduran para pagtibayin ang partnership ng naturang task force at party-list sa pagpapaunlad ng kapakanan ng mga mamamahayag sa bansa.

Ano ba ang mga nakapaloob sa nabanggit na batas? Bahagi ng panukalang batas daw ay magtayo ng independent commission na tututok sa media welfare. Ang komisyon din ang mag-iimbita ng mga media organization para maging miyembro na siya ring tutulong sa media members na mahasa ang kani-kanilang kakayahan na may kinalaman sa industriya.

Kung magiging batas, ang media workers welfare act, tutulong sa pag-monitor ng iba’t ibang media network owners para matiyak ang safety issues ng mga mamamahayag.

Bukod dito, ang bubuuing komisyon din ang tutulong sa pag-evaluate sa kakayahan ng media, base sa nais na maging posisyon nito. Kakailanganing kumuha ng assessment skills examination, ngunit wala naman aniyang babagsak sa klase ng eksam na ito, kundi ikakategorya lamang ang tao base sa kakayahan sa minimit­hing posisyon bilang media worker.

At ang pinaka-gusto ko ay maglilikha ang komisyon ng media workers welfare fund at legal services.

Ating susubaybayan kung mailulusot ang naturang akda dahil natitiyak ako na marami rin ang kokontra rito dahil mayroong mga masasaktan. KAA…BOOOM!  (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment