MEDIA NA MAKABAYAN, MEDIA NA MAKABAYAD

NIPIS

BILANG isang le­hi­timong miyem­bro ng media, masakit mabasa sa social media na marami sa mga mamamahayag na naglalabas ng iba’t ibang isyu kaugnay sa mga kapalpakan ng mga namumuno sa Southeast Asian Games 2019 ay pawang bayaran.

Nakakapikon talaga at halos kumulo ang dugo ng mga totoong mamamahayag na nagko-cover sa SEA Games kapag inakusahan ng mga opisyales ng Philippine Sea Games Organizational Committee na mga binayaran sa halip na magpaliwanag ang mga ito kung bakit may mga kapalpakan at pagkukulang ang kanilang pamunuan sa kaganapan.

Hindi naman po ang mga mamamahayag ng Pilipinas ang unang naglabas at nagpakita ng mga kapalpakan at kakulangan ng pamunuan na namamahala sa SEA Games. Hindi po ba ang mga atleta mula sa ibang bansa ang naglabas sa kanilang social media account ng kanilang karanasan sa kung paano sila sinalubong, hinarap at tinanggap ng mga Pilipino bilang bisita?

Dapat, ang sinisi ng mga namahala sa SEA Games o ng PHISGOC ay ang social media at hindi nag-akusa kaagad na lumabas ang issue dahil sa mga bayarang media na silang nagpapakalat ng mga pagkakamali sa paghawak ng 30th SEA Games.

Masakit para sa mga mamamahayag na naglabas ng isyu bilang trabaho nila at hindi upang upakan ang PHISGOC para pagkaperahan. Sana, bilang mga opisyal ng pamahalaan, hindi sila naging balat-sibuyas at sa halip ay sinagot ang bawat bato ng akusasyon.

Bilang mamamahayag, karamihan ay kinukuha naman ang magkabilang panig bilang pagsunod sa code of ethics na pagiging fair and just in writing issues. Hindi lang maganda ang pagtanggap ng maraming opisyal ng SEA Games dahil batid nilang mayroon talaga silang pagkukulang.

Sinong matinong mamamahayag ba ang nais na masira ang sari­ling tahanan para lang makakuha ng balita? La­ging nag-iisip muna bago tumipa lalo’t batid ng mga ito na maganda ang layu­nin ng SEA Games batay sa motto nitong “We Win As One.”

Umiiral pa rin sa dugo ng karamihang mamamahayag ang pagiging makabayan. Pero dahil sa naglabasang issue, hindi muna inisip ng maraming opisyal ng pamahalaan at maging ng mga mamamayan na mabilis mag-akusa na ang isyu ay mula sa mga bayarang media.

Sa totoo lang, kung wala namang talagang palpak na nakita ang mga dayuhan, wala namang maglalabasang isyu. Pero dahil kumalat, mabilis na nag-react si Pangulong Rodrigo Duterte at nag-utos ng imbestigasyon.

Paano nga naman, napakalaki ng budget na itinalaga para sa okasyon dahil inaabot ng ilang taon bago ulit mapunta sa Pilipinas ang pamamahala at paggaganapan ng SEA Games.

Mabilis si PHISGOC chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano na mag-akusa sa mga mamamahayag na binayaran at tinakot pa na magsasampa ng libelo dahil sa paninira sa mga pahayagan sa isyu ng SEA Games.

Sino ba ang nag-aalaga ng mga bayarang media? Hindi ba ang mga opisyal na katulad mo?  Ang mga opisyal ng pamahalaan na may inaalagaang pangalan? May inaalagaang proyekto? May hinihintay na pangyayari at higit sa lahat ay yung mga tumatakbo sa eleksyon?

Baka lang nakalimutan ng speaker ng mababang kapulungan na noong mga unang buwan ng taon, nagpalabas siya ng mga artikulo sa ilang pahayagan na handang-handa ang PHISGOC sa paghawak at pamumuno sa SEA GAMES kaya nga kung mga nangya­ring kapalpakan, dapat humingi na lang siya ng paumanhin at inayos ang mga nagawang kamalian at hindi ituturo media na silang may kasalanan dahil mga bayaran.

Sa palagay ko, marami pa rin ang makabayang media na handang ilabas ang katotohanan sa mga kaganapan. Ang mga mamamahayag na makabayad ay yung mga nakahawak lang ng celfon at may nakuhanang pagkakataon at ipapakalat na kaagad.

Masasabing makabayad din iyong mga gumagawa ng fake news o issues para lang masira ang partikular na tao o grupo dahil sa hindi magandang motibo. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment