MAYOR ISKO ‘DI SUSUKO

NIPIS

TILA hinahamon ng mga aktibistang Panday Sining, youth group ng Anakbayan,  kung hanggang saan ang pisi ng pasensiya ni Manila Mayor Isko Moreno matapos sagutin ng panibagong spray painting ang panawagan ng alkalde na tigilan na ang ginagawang bandalismo sa lungsod na kanyang pinapa­munuan.

Noong isang linggo, ang bagong linis, bihis  at pinturang underpass sa tapat ng Manila City hall ay sinulatan gamit ang pulang spray paint ng mga miyembro ng Panday Sining.

Sinabi ng aktibistang grupo, sining o art ang kanilang ginawa at ipinaglalaban nila ang mga biktima ng hindi makatarungang pamumuno sa bansa.

Kaya naman sinagot sila ni Yorme Kois na “hiningi ba nila ang tulong nyo?” Bukod pa sa sagot hindi niya palalampasin ang pambababoy sa Maynila kaya’t kapag nahuli ang mga ito ay padidilaan nya hanggang mabura ang spray paint.

Ngunit bago pa may mahuling muli ay ipina­kita na ni Mayor Moreno na mahirap burahin at tanggalin ang ginawa nilang bandalismo kaya’t nasabing malaking gastos at oras ang ginugugol ng pamahalaan na sa halip na madala sa ibang programang mas magdadala ng pag unlad sa Maynila.

Pero tila wala talagang puso at wala talaga sa sariling pag iisip ang mga aktibista dahil mu­ling sinubukan si Yorme nang panibagong spray paint vandalism sa pader ng Arraulo High School sa may  Taft Avenue na ilang metro ang layo sa Manila Police District (MPD) Headquarters ang isinulat sa mga pulang titik na nakasaad ay “ Makatwitran ang maghimagsik”.

Pero ang alkalde ay hindi para sumuko sa hamon ng mga batang suwail na tila hindi kayang supilin ng kanilang mga magulang, kaya naman mas pinahigpitan pa nito ang pagbabantay sa mga bahagi ng kamaynilaan na madalas sprayan ng mga aktibista.

Kaya nga kapag nahuli ay tiyak na ipatutupad nito ang kanyang bantang padidilaan ang mga sinulat hanggang mabura.

Eh kilala naman si Yorme na may isang salita kaya’t alam natin na hindi ito para umurong sa laban at patunay dito ang hanggang ngayon na paninindigan niya na hindi puwedeng magtinda sa kalsada ng C.M Recto, Blumentritt at Pedro Gil.

Sinabi ng alkalde na kapag nagkaroon ng mga magtitinda ay ibig sabihin na tinanggap niya ang P5M na suhol para lang makapuwesto sa mga nasabing lugar.

Tiyak ang banta ni Mayor Isko na papapanagutin ang may sala. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment