MAYNILAD, MAYNILAD – DISKARTENG ANG ULO’Y SA TUBIG BINABAD

yourservice

MARAMING natuwa nang umupo at isinaayos na ng bagong alkalde ng Maynila ang kalinisan, kaayusan at seguridad. Tila ito na ang senyales ng magandang pagbabago para sa siyudad na matagal nang lugmok sa kawalan ng serbisyo publiko. Ngunit, nakalulungkot at nakaiinis isipin na mayroong isang mabigat pa ring problema ang Maynila — ang kawalan ng tubig mula sa Maynilad.

Una, naiintindihan naman natin na ang kawalan ng serbisyo at supply ng tubig ay dulot ng pagbaba ng lebel ng tubig sa ating mga dam, lalo na sa Angat Dam. Ngunit hindi ito ang ikinagagalit ng mga taga-Maynila sa Maynilad. Ang problema ay ang mali- maling advisory na binibigay ng Maynilad na tila di naman sinusunod. Reso­nable naman ang mga taga-Maynila ngunit kahit sino siguro ay maiinis kung mali-mali ang binibigay na advisory sa kanila.

Ganito kasi ang nangyayari araw-araw, magbibigay ang Maynilad ng advisory at nilalathala pa kung saan-saan at ano-anong mga barangay ang apektado, kalakip dito ang oras kung kailan magkakaroon ng tubig at kelan din mawawala ang tubig. Natural,  dahil sa advisory na ito, may mga nagpupuyat upang maghintay lamang sa pagdating ng tubig ayon sa advisory na binigay ng Maynilad. Ang problema, walang tubig na dumating. Puyat na ang tao, wala pang tubig. Papasok sa opisina o sa paaralan na puyat, pagod at naiinis dahil hindi tinupad ng Maynilad ang binigay na advisory.

Ang pangyayaring ito’y ay nagaganap araw-araw. Karamihan sa mga Manileño ay tumututok sa telebisyon o sa balita para lang malaman kung anong oras magkakaroon ng tubig para sila’y makapag­handa at mag-ipon. Ngunit, kadalasan, sila’y sawi dahil hindi naman nasusunod ang mga nakaulat sa advisory ng Maynilad. May mga araw nga na hindi kasama ang isang barangay sa mawawalan ng serbisyo ng tubig, ngunit kadalasan wala ring tubig na dumarating.

Dahil dito, natural lang na marami ang magalit sa Maynilad. Galit hindi dahil sa kakulangan ng daloy ng tubig, kundi dahil wala na ngang serbisyo ng tubig — hindi pa sumusunod sa mga advisory na pinalalabas nito sa balita.

Tila naghihintay na lamang sila ng milagro, milagro sa anyo ng malakas na ulan upang madagdagan ang reserba ng tubig natin sa ating mga dam, lalong-lalo na sa Angat Dam. Ang dumadagdag sa pagkainis ng mga tao ay kung ikaw ay tumawag sa service o Customer Hotline ng Maynilad, bibigyan ka lamang ng mga tao na makakausap mo ng mga inihandang sagot o kadahilanan kung bakit hindi nasusunod ang advisory. Kadalasan, sasabihin nila na kinakailangan i-divert sa mga barangay na matagal nang nawalan ng tubig.

Sa aking munting palagay — maaari namang planuhin ang service interruption upang makapagbigay ang Maynilad ng isang makatotohanang advisory para naman matulungang maghanda ang ating mga kababayang Manileño sa pag-iipon ng tubig. Ngunit, sa araw-araw na nararanasan natin, tila hindi masyadong pinag-isipan o pinagplanuhan ang schedule sa advisory at ganun-ganun na lamang nila palitan o baguhin at di man lang naisip na mada­ming pamilya na nagpupuyat at napapagod din sa paghihintay ng tubig na di naman pala darating. Kung dumating man, akala mo iced tea ang lumalabas sa mga gripo nyo dahil sa kulay nito. Ang tubig ay kinikilala nating simbolo ng buhay. Hindi tayo maaaring mamuhay nang matagal na walang tubig. Kaya’t nararapat lamang na bigyang pansin ng Maynilad ang prebilehiyo na inegosyo ito, na binigay sa kanila ng pamahalaan. Ito’y isang serbisyong publiko na dapat mas matimbang ang kapakanan ng mga tao kesa sa negosyo.  (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment