MAYNILAD AT MANILA WATER TAGILID SA 2020

BOMBAHAN NA FINAL

MUKHANG hindi magtatagal ang Maynilad at Manila Water bilang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Bakit? Nagalit na si Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kompanyang ito dahil sa halip na gumanda ang kanilang serbisyo sa mga Filipino ay puro pagkakakitaan ang kanilang ginagawa.

Hindi naresolba ng dalawang kompanyang ito ang problema sa kakapusan ng tubig.

Nitong nakaraang Oktubre 24, 2019 nakaranas  ng kakapusan ng tubig ang mga kosyumer sa Metro Manila na sinusuplayan ng tubig ng dalawang concessionaire na ito.

Nagalit ang Pangulong Duterte sa problema sa tubig na pinangangasiwaan ng Maynilad at Manila Water.

Dahil sa galit niya biglang naging normal ang supply ng tubig ng dalawang concessionaire sa kanilang mga kustomer.

Ang Maynilad Water Services Inc. ay pagmamay-ari ng kilalang negosyanteng si Manny Pangilinan, samantala ang Manila Water Company Inc. ay pagmamay-ari naman ng mga Ayala.

Kung ang BOMBAHAN NA ang tatanungin ay mas makabubuti na bawiin na lamang ang pangangasiwa nito mula sa Maynilad at Manila Water.

Sa ngayon, hindi makontrol ng gobyerno ang dalawang kompanyang ito kung anong gusto nilang gawin dahil sila ang nasusunod.

Tuwing may isasagawa silang pagsasaayos, ang kanilang ginastos ay binabawiin nila sa pamamagitan ng pagpataw sa mga kustomer sa  pagtataas ng singil sa tubig. Mahigit sa 6 mil­yong katao ang apektado nang hindi maayos na serbisyo ng dalawang concessionaire na ito.

Sa summer sa 2020 asahan pa ng mga konsyumer ng Maynilad at Manila Water ang mas malalang mararanasang kakapusan ng tubig.

Saan pupulutin ang lahi ni Juan ‘pag dumating ng panahon ng El Nino?

Kaya ngayon pa lang naisip na ni Pangulong Duterte na panahon para sipain ang dalawang concessionaire.

Nakita siguro ni Pangulong Duterte na hindi mareresolba ang problema ng tubig ng Maynilad at Manila Water.

Malamang sa 2020 ang dalawang kompanyang ito ay wala na sa negosyo ng tubig.

Labis na nagtataka ang taumbayan tuwing sasapit ang summer ay problemado ang bansa sa tubig.

Ang Pilipinas ay napakaraming source na pwedeng pagkunan ng supply ng tubig, pero bakit hindi ito masolusyunan?

Kaya nagdududa ang mga Pinoy na sobrang na sobrang pinagkakakitaan ng mga negos­yante ng tubig sa bansa.

Kung dati ay tubong lugaw lang, ngayon tubong tubig na ang mga negosyante.

oOo

Pasabugin ang katiwalian isumbong sa BOMBAHAN NA mag-e-mail sa joel2amongo@yahoo.com/operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA! /  JOEL AMONGO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment