MATULA: ‘NANALO ANG MGA UNYONISTA NG HYATT TAXI’

BAKBAKAN NATIN

TOTOONG malupit ang ating lipunan sa uring manggagawa, sapagkat ito’y lipunan ng mga kapitalista.

Ngunit, hindi lahat ng laban ng mga manggagawa ay idinadaan at naipapanalo sa kilos-protesta at armadong pakikibaka.

Mayroon pagkakataon na sa korte natatalo ang paninikil at pananamantala ng mga kapitalista laban sa mga manggagawa.

Isang halimbawa ay ang kaso nina Rico Garcia, Pablo de Guzman at Antonio Piel, pawang mga taxi driver ng Hyatt Taxi Group of Companies.

Sila rin ay mga opisyal ng unyon ng Hyatt Taxi Services Inc.

Ang unyon ang kanilang sandata bilang mga empleyado ng naturang kompanya.

At hindi ilegal ang pagtatayo ng unyon, sapagkat itinakda at ipinag-utos ito ng batas-paggawa ng Pilipinas.

Ilang araw ang nakalipas, natalo ang kasong “estafa” na isinampa laban sa kanila sa Las Piñas Regional Trial Court.

Batay sa rekord ng Las Piñas – RTC, isinampa ang kasong estafa laban kina Garcia, De Guzman at Piel noong Pebrero 10, 2011 dahil ayon sa Hyatt Taxi Group of Companies – Radio Network Group (HTGC – RNG), silang tatlo ay “conspiring and confederating together and all of them mutually helping and aiding one another” upang  mawala ang pera ng mga taxi driver na P177,276.25 ang kabuuang halaga noong 2006 at bago pa man ng taong ito at pagkatapos ng taong ito.

Pinawalang sala ni Judge Rainelda Estacio – Montesa ang mga akusado.

Sabi ni Estacio – Montesa, hindi napatunayan ng prosekusyon na walang dudang nagawa nina Garcia at Piel ang krimen na estafa.

Hindi nasama sa desisyon si De Guzman, sapagkat namatay na ito bago natapos ang walong taong paglilitis ng kaso laban sa kanilang mga unyonista.

Ikinatuwa ng kanilang abogadong si Atty. Jose Sonny Matula, ang pa­ngulo ng Federation of Free Workers (FFW) at pinuno ng Nagkaisa labor coalition, ang panalo sa korte dahil nagapi nila ang inimbentong krimen laban kina Garcia, De Guzman at Piel.

Ang unyon ng H­yatt Taxi Services Inc. ay kasapi ng FFW.

Nagpugay rin si Matula sa pagkapanalo ng kasong “arson” na isinampa ng pamunuan ng Hyatt Taxi Group of Companies laban kay Wilfredo Cerillo, taxi driver at opisyal din ng unyon.

Nakasaad sa rekord ng kor­te, noong Setyembre 5, 2007 pa kinasuhan ng arson si Cerillo.

Ibinasura rin ni Judge Estacio – Montesa ang nasabing kaso, sapagkat hindi napatunayan ng mga abogado ng H­yatt Taxi Group of Companies ang kasong kriminal na isinampa nito laban kay Cerillo.

Sabi ni Matula, ang mga kasong inihain kina Garcia, De Guzman, Piel at Cerillo ng pamunuan ng Hyatt Taxi Group of Companies ay panahong binubuo ng mga taxi driver na ito ang kanilang unyon.

Samakatuwid, ang punto ni Matula ay isinampa ang mga kasong kriminal sa mga unyonista upang palabasin at ipamukha na mga kriminal ang mga pinuno ng unyon.

Nang manalo sina Matula, idiniin ng beteranong lider-manggagawang ito na “Our court is still our reliable vanguard to defend our workers from harassment, intimidations or any form of reprisal while they are organizing unions.”

“Natanggal ang malaking pabigat sa aming balikat,” tugon pa ni Matula.

Nakikiisa ako at nagpupu­gay sa tagumpay na ito ng mga manggagawa – ng mga taxi driver ng Hyatt.

Ang totoo, hindi na bago ang sinapit nina Garcia, De Guzman, Piel at Cerillo, sapagkat “normal” na ginagawa ng mga kapitalista ang pagsasampa ng samu’t saring kasong kriminal upang gapiin ang pagbubuo ng mga manggagawa ng unyon – unyon pa lamang ‘yan at hindi pa pagdurog sa lipunang kapitalista at pagtatayo ng lipunang sosyalista.

Ngunit, huwag kaliligtaang ang pagsampa ng mga kasong kriminal laban sa mga manggagawa ay isang paraan lamang ng mga kapitalista upang sikilin at kontrolin ang mga manggagawa.

Ang mainam kay Judge Estacio – Montesa ay hindi siya nagpakumbinsi sa mga argumento ng mga abogado ng H­yatt Taxi Group of Companies.

Ayon kay Matula, “pag-iisipan” ng FFW at ng mga unyonista ng Hyatt kung babalikan at kakasuhan nila ang pamunuan ng Hyatt Taxi Group of Companies upang panagutin sa mga inimbentong kaso laban kina Garcia, De Guzman, Piel at Cerillo.

Alam kong marami pang isyu at suliranin ang mga manggagawa.

Bukas po ang Bakbakin Natin! sa inyo at maging sa mga kapitalista upang talaka­yin ang inyong mga suliranin.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod, kaya tawag o magtext na sa: 0998-565-0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment