MAS MATIMBANG KAY EX-SEN. NENE PIMENTEL ANG MGA CHINESE KAYSA MGA PILIPINO 

CHRISTIAN BOMB

MARAMI ang nabigla, lalo na ang mga umiidolo kay dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel, Jr., sa kanyang sinabing wala raw masama sa ginagawang pangingisda ng mga Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Ika nga, nagbago na ang pananaw ng dating makabayan sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Isa siya sa mga kagalang-galang na dating senador ng ating bayan, pero ngayon, iba na ang pagkakakilala sa kanya ng taumbayan.

Marami ang nakaka­kilala kay ex-Sen. Pimentel, na isang matalino, maprinsipyo, at matapang na senador noon, lalo na noong pa­­nahon ng gobyernong da­ting presidente Ferdinand Marcos, Jr. Nagpakita rin siya ng tapang sa impeachment laban kay dating Pa­ngulong Joseph Estrada.

Ang kanyang mga Senate Bill na naging batas ay tunay na kahanga-hanga. Pero, noon yun. Nagbago na siya ngayon. Nagsimula ang pagbabago ng kanyang prinsipyo si ex-Sen. Pimentel noong suportahan niya at gawing standard bearer pa ng partido niyang PDP-Laban si dating Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte na kilalang human rights violator, na nang ma­ging presidente, lalong lumala ang human rights violations sa bansa.

Ngayong kaalyado na niya ang presidente, naging malinaw na sa taumbayan na ang prinsipyong pinanghawakan niya noon ay binitawan na niya ngayon. Tunay na isa na siya sa mga nagpapakatuta sa pangulo, at kontra na siya sa interes ng bayan at mamamayang Pilipino.

Nakalulungkot isipin na kung kailan pa tumanda ang kagagalang-galang na politikong gaya ni ex-Sen. Pimentel ay saka pa isinuko ang mga prinsipyong kapuri-puri para lamang suportahan ang isang pinunong hayagan ang pagpapaka-tuta sa China.

Kunsabagay, walang per­manente sa mundo ng politika. Ang pagiging magkaibigan at magkaaway sa politika ay hindi rin permanente. Ang tanging permanente lang ay ang kanilang pansariling interes.

Isipin n’yo, sinisira na ang corals, inaagawan ng hanapbuhay ang mangi­ngisdang Pilipino, binabangga pa kanilang bangka ng mga Chinese militia na naghahari-harian sa dagat ng Pilipinas, pero para kay ex-Sen. Pimentel, “nothing wrong” daw ito.

Dahil diyan, lumalabas na mas matimbang pa ngayon sa dating makaba­yang ex-Sen. Pimentel ang mga Chinese, kaysa mga Pilipino. (CHRISTIAN’S BOMB /  Christian Hernadez)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment