MAS MALALA ANG OIL SMUGGLING KAPAG TUMATAAS ANG EXCISE TAX

BAKBAKAN NATIN

MATAGAL nang nagaganap ang oil smuggling sa ating bansa.

Isa ito sa mga suliraning hindi masugpo ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs (BOC).

O, mas tamang sabihing hindi talaga kumikilos ang DOF at BOC upang mabawasan ang oil smuggling, kundi man tuluyang matapos na ang suliraning ito.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank (ADB), nadiskubre nitong umaabot sa P37.5 bilyon taun-taon ang perang hindi nakararating sa pamahalaan dahil sa oil smuggling.

Sa hiwalay na pag-aaral na kinomisyon ng samahan ng mga negosyante sa industriya ng langis, pumapalo sa P43.8 bilyong pera taun-taon ang napupunta sa mga korap na opisyal ng DOF at BOC at mga negosyante ng langis.

Nagaganap ang oil smuggling sa pamamagitan ng hindi pagdedeklara ng isang kompanya o negosyante ng tamang dami ng litro ng produktong petrolyong dinadala at ipinapasok nito sa bansa sa pamamagitan ng BOC.

Sa ganitong kalakaran, kikita nang mas malaki ang oil smugglers.

Kikita rin ang kanilang kausap sa BOC ng napakalaking halaga.

Tapos, nababawasan ang buwis para sa pamahalaan na mula higit sa P37 bilyon hanggang mahigit sa P43 bilyon kada taon.

Napakalaking halaga na dapat sana’y nagamit na sa pagpapatayo ng maraming pampublikong ospital o pampublikong paaralan sa mga lalawigan.

Ayon sa ekonomistang sumusubaybay sa industriya ng langis sa bansa, isang ‘bukas na aklat’ sa industriya ng langis na ‘napakalaki ng pakinabang at kita’ ng ilang maliliit na kompanya ng langis mula sa mga ismagler ng langis.

Sinu-sino kaya ang mga maliliit na kompanyang ito?

Maliliit na mga kompanya, ngunit bakit sobrang lakas ng loob ng mga ito upang makinabang at kumita nang husto mula sa oil smuggling na isang porma ng economic sabotage.

Napansin ng mga nag-aaral sa takbo ng industriya ng langis na mas lumalaki ang kita ng mga ismagler tuwing tumataas ang excise tax ng mga produktong petrolyo kada litro.

Syempre, lumalaki rin ang kita ng mga korap na opisyal sa DOF at BOC.

Tapos, hindi naman daw lumalaki ang kita ng pamahalaan.

Sa madaling salita, talung-talo at luging-lugi ang pamahalaan kahit itaas pa ang buwis sa produktong petrolyo.

Kapag tumaas ang buwis sa mga produktong petrolyo, pihadong tataas din ang presyo ng mga bilihin.

Ang pinaka-kawawa rito ay ang mga taong nakararamdam at naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng pagtaas ng excise tax, sapagkat siguradong tataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Walang pakialam dito ang mga ismagler ng mga langis dahil ang iniintindi lamang nila ay ang kita at perang papasok sa kanilang mga bank account.

Syempre, mas lalong walang pakialam ang ang mga korap sa DOF at BOC.

Ang mahalaga sa kanila ay ang walang tigil na pagyaman nila mula sa napakalaking perang inihahatag ng mga ismagler sa kanila.

Sinu-sino kaya ang mga hayop na ito?

SINU-SINO BA ANG KASAPI NG SINDIKATO SA MICP?

NAITANONG ko ito dahil ayon sa balitang ipinaparating ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa media ay madalas sa Manila International Container Port (MICP) sila nakakakuha ng kilu-kilong shabu mula sa ibang bansa.

Ipakita natin:

Noong nakalipas na taon ay sa MICP nadiskubre ang magnetic lifters na naglalaman ng 500 kilo ng shabu na ang halaga ay P4.3 bilyon.

Ang kasama nitong P11 bilyong halaga ng shabu na hindi nakita sa magnetic lifters na naitago sa isang bodega sa GMA, Cavite ay dumaan din sa MICP bago makarating sa nasabing bodega.

Nitong nakalipas na buwan ay mahigit P1 bilyong halaga ng shabu ang nakuha sa MICP.

Galing umano ito sa Vietnam, banggit ng PDEA.

Iyong mahigit P1 bilyong halaga ng shabu na natunton naman sa Ayala – Alabang nito ring nakalipas na Marso ay nagmula rin umano sa Vietnam.

Kasama ito ng mga shabung nadiskubre sa MICP.

Kapansin-pansin na nagpapalit ang district director ng MICP, ngunit hindi lumilipat sa ibang pantalan ang ipinapadalang mga bilyun-bilyong halaga ng shabu sa bansa mula sa ibang bansa.

Mayroon bang sindikato sa MICP na kumikita sa shabu?

Kung meron, sinu-sino kaya sila?  (BAKBAKAN NATIN / Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment