MANIPULASYON NG ISANG DOROBO?! (1)

TINIG NG MANGGAGAWA final

SA lahat ng propesyon na aking hinahangaan, isa ang abogasya sa may mataas akong respeto.

Paano nga naman, sa lahat ng pagkakataon, ang ABOGADO o si attorney ang dapat lapitan upang hingan ng tulong pagdating sa kaalaman sa batas.

Sinoman kasing magaling na abogado, kahit anong pasikut-sikot sa batas ay alam kung saan ikakamada ang kanyang kliyente. Kaya naman, bilib na bilib ako kapag nagdedebate ang dalawang kapwa magaling na atorni sa loob ng korte.

Ito ang dahilan kung bakit abogado ang unang hinahanap ng mga awto­ridad, sa isang inaarestong akusado base sa “miranda doctrine”. Dapat daw kasi, bago magbigay ng anomang pahayag ang isang akusado, may kaharap itong lawyer mula sa pamahalaan o maging pribado man.

Ngunit nakababahala rin pala ang labis na tiwala sa isang abogado. Naalaala ko tuloy ‘yung sinabi ng aking INA nu’ng ito’y nabubuhay pa, ‘ika n’ya, “overconfidence kills a man!”

Bakit ko nasabi ito?  Aba, lumiham sa kolum na ito ang isa nating tagasubaybay na biktima ng abusado at dorobong abogado. Sinamantala ang pighati at kahinaan ng kanyang kliyente.

Sa liham na pinadala ni Bb. Carmela (di-tunay na pangalan) nakapanggagalaiti ang kanyang reklamo laban sa isang atorni na pinagkatiwalaan ng kanilang pamilya. Bukod daw kasi sa fa­mily friend nila ang ‘do­robong’ abogado, KABABATA pa ito ni Carmela.

Ayon sa salaysay ng biktima, nagsimula ang kanyang kalbaryo nang mamatay ang kanyang “mommy” nu’ng Enero 19, 1996, mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas. May naiwang kabuhayan ang kanyang ina na nakadeposito sa isang bangko. Nagkakahalaga ito ng P10 mil­yong cash.

Ito raw ang dahilan para siya magpatulong sa kanyang kababatang abogado at lubusang ipinagkatiwala ang buong prosesong legal.

Ngunit sa halip na makamit ang inaasahang tulong, nagawang MANIPULAHIN ng gahamang abogado sa pakikipagkutsabahan daw ng ilang empleyado ng bangko. Ang bangko ay matatagpuan sa kanto ng E. Rodriguez Ave. at España, sa lungsod Quezon.

“I don’t know who to run to for help, I can’t trust anyone after they did all this to me. I got sick, 4th stage cancer. I had seven major operations and the last 2 major ones caused all this my plight now,” hinagpis ng nagrereklamo.

Nabanggit din ni Carmela na may kapatid siyang lalaki. Ito ay gumagamit at madalas “lulong” sa iligal na droga. Isa raw ito sa nagpapahirap sa kanilang mag-ina nu’ng nabubuhay pa. Katunayan aniya, minsan nang pinagtangkaang patayin ng kanyang kapatid ang kanilang mommy.

Nuong Oktubre 1995, nagkasakit daw ang kanilang mommy hanggang maratay sa ospital matapos ang isang matinding operasyon. Nang makalabas ng ospital, napagkasunduan nilang mag-ina na bumalik sa Marilao, Bulacan at du’n na sana manirahan.

Sa galit umano ng kanilang mommy, iniutos nito na huwag bigyan ng kahit “isang sentimo” ang kanyang adik na kapatid. Sinabi din ito sa harapan ng abogado. Kasunod nito, inatasan ang atorni na i-withdraw ang pera at ilipat sa ibang bangko sa Bulakan.

Dito napansin ni Carmela na nag-“tengang-kawali” lamang ang abugado. Hindi sila pinansin ng pinagkakatiwalaang atorni. Hanggang dumating ang hindi inaasahan, namatay ang kanyang ina nu’ng Enero 16, 1996.

Dahil sa mga pangyayari, nagsimula ang pagiging mi­serable ng buhay ni Carmela. Bukod daw kasi sa seryosong banta ng kanyang kapatid na lulong sa droga, sinamantala rin ng abogado ang kaguluhan ng kanyang pag-iisip.

Ilang dokumento ang pinapirmahan ng abogado. Walang paliwanag kung ano at kung para saan ‘yun?

Ang masaklap pa raw, siya ang biktima ng pangyayari, siya pa ang nagtatago ngayon. Ang biktima ay kasalukuyang nakikitira sa isang kongregasyon ng mga MADRE sa Quezon City.

Sundan ang karugtong ng masalimuot na reklamong ito. Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga kara­ingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment