MANGMANG O NAGMAMAANG-MAANGAN LANG?

BOMBAHAN NA FINAL

HINDI maintindihan ng BOMBAHAN NA, kung walang alam o sinasadyang hindi sundin ng mga tauhan ng Marikina Police Headquarters ang Executive Order No. 02 o mas kilala sa tawag na Freedom of Information (FOI).

Ang EO No. 02 ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Hulyo 23, 2016.

Isa-isahin po nating ipaliwanag sa mga pulis sa Marikina City para maintindihan nila.

Basahin n’yo ito Madamme Ofelia Cruz, secretary ni Marikina City Chief of Police SSupt. Restituto Arcangel; PSInsp. Mauro Gerero at imbestigador na si Ventura para malinawan n’yo ang nilalaman ng FOI EO No. 02.

“The FOI Executive Order provides for full public disclosure of all government records involving public interest, and upholds the constitutional right of people to information on matters of public concern.”

Ang FOI ay binibigyan ng buong laya ang publiko sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na makakuha ng mga dokumento na may kinalaman sa public interest.

“Every Filipino shall have access to information, official records, public records and to documents and papers pertaining to official acts, transactions or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development”.

Bawat lahi ni Juan ay binibigyan ng karapatan na magkaroon ng access para sa impormasyon. Official records, public records at maraming iba pa.

Sa E.O. 2 Sec. 3: The Order defines “information” to include any:records, documents, papers, reports, letters, contracts, minutes and transcripts of official meetings, maps, books, photographs, data, research materials, films, sound and video recording, magnetic or other tapes, electronic data, computer stored data, any other like or similar data or materials recorded, stored or archived in whatever format, whether offline or online, which are made, received, or kept in or under the control and custody of any government office pursuant to law, executive order, and rules and regulations or in connection with the performance or transaction of official business by any government office.

Mas malinaw pa sa sikat ng araw ‘yan, kung ano ang nakapaloob sa FOI E.O. 2 na pinirmahan ng Presidente ng Pilipinas.

Ngayon ano ‘yang pinapipirmahan n’yo sa tao na form na gusto lang tingnan ang police blotter, pahihirapan nyo pa?

Mga mangmang ba kayo o nagmamaang-maangan lang kayo?

O baka may pinagtatakpan kayo?

Ipaliwanag n’yo ‘yan sa taumbayan, Sr. Supt. Arcangel kung bakit hindi nyo sinusunod ang FOI E.O. 2 na pinirmahan ni Presidente Duterte.

Dapat National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. General Guillermo Eleazar sir, i-seminar ang mga tauhan ng Marikina Police Headquarters sa nilalaman ng FOI kasi hindi nila alam.

Sumunod na sa proseso nila ang BOMBAHAN NA, nag-fill up na sa kanilang FOI Form natapos na’t lahat hindi pa rin ipinasilip sa atin ang police blotter.

Dinala pa kami ni Ventura sa opis ni SInsp. Gerero at nakipagtalo pa sa BOMBAHAN NA tungkol sa nilalaman ng FOI pero bandang huli ay inamin niyang hindi pa siya nagse-seminar tungkol dito.

Kahit grade 1 mga silipero ng BOMBAHAN NA, makakaintindi siya sa nilalaman ng FOI, pero itong mga Police Marikina ay hindi nila maintindihan.

Baka naman natutulog sa pansitan ang mga ito.

Dapat siguro gisingin ni Gen. Eleazar ang mga ito nang matauhan.

Nababalot na kayo sa kontrobersiya dahil sa pagkakabulgar ng ‘Ninja Cops’ ngayon dinadagdagan nyo pa ng isa pang kapalpakan.

Magbasa kayo tungkol sa mga batas nang hindi kayo napupulaan, kakahiya kayo!

Pagka ganitong nakakaharap nating mga pulis ay mabilis na humahaba ang balbas natin sa stress dahil nakikipagtalo pa, mali naman ang pinagsasabi.

Porke’t mga pulis sila pakiramdam nila lagi silang tama.

Mag-seminar nga kayo patungkol sa FOI para magmukhang may alam kayo.

Dokumento o kontrata nga patungkol sa proyekto pinapayagan na makakuha ang ordinaryong mamamayan ng kopya base sa FOI, police blotter lang ayaw nyong ipakita?

Ayan sir Resti, basahin n’yo rin ang nilalaman ng FOI E.O 2 para malaman n’yo.

May kasabihan tayo na mahirap gisingin, ang gising. Ganun siguro sila, nagmamaang-maangan lang kasi nga baka may makitang pinagtatakpan nila na ayaw maibulgar ng media.

Maging makatotohanan po tayo sa lahat ng panahon, Amen.

oOo

Pasabugin ang katiwalian magsumbong sa BOMBAHAN NA, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa 0977-751-40-74. (BOMBAHAN NA / Joel Amongo)

Related posts

Leave a Comment