MANDATO NG PNP, TO SERVE AND PROTECT NANG WALANG KAPALIT

CHRISTIAN BOMB

BATIKOS mula sa mamamayan ang inabot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pahayag na puwedeng tumanggap ng regalo ang pulis mula sa publiko na humihingi ng tulong sa kapulisan.

Ang pambabatikos ng mamamayan sa isyung ito ay patunay na hindi katanggap-tanggap sa publiko ang sinabing ito ng Pangulo dahil puwedeng pagmulan ng mas matin­ding corruption sa PNP ang pagtanggap ng regalo sa mamamayan kapalit ng kanilang trabaho.

Mantakin n’yo, dinoble na nga ni Pangulong Duterte ang monthly sa­lary ng mga pulis, na ang suweldong ito ay hindi naman sa bulsa ng Pangulo nanggagaling kundi sa kaban ng bayan, tapos ang gusto pang mangyari ng Presidente ay tumanggap ng regalo ang mga opisyal at tauhan ng PNP mula sa mamamayan bilang kabayaran ng kanilang trabaho.

Bukod diyan, malinaw sa nakasaad sa  Civil Service Commission (CSC) code na hindi pinapayagan ng batas ang pagtanggap ng mga opis­yal o empleyado ng gob­yerno ng regalo kapalit ng ginawang trabaho.

Ayon kay CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala, kahit boluntaryo ang pagbibigay ng regalo sa mga pulis, ipinagbabawal ito sa batas.

Kahit ipinagbabawal ng batas ang pagtanggap ng regalo mula sa publiko ng mga pulis kapalit ng kanilang trabaho, para kay Sen. Ronald Bato dela Rosa, na dating hepe ng PNP, ay wala raw masama sa pagtanggap ng regalo kung bukal daw ito sa loob ng nagbibigay. Inamin din niya na nuong siya ay nasa serbisyo, tumatanggap din daw siya ng regalo.

Ibig sabihin, suportado ni Sen. Dela Rosa ang pahayag ni Pangulong Duterte na puwede nang tumanggap ng regalo ang pulis bilang kapalit ng kanilang trabaho.

Kung si Sen. Dela Rosa ay payag bigyan ng regalo ang mga pulis, hindi si Sen. Panfilo Lacson na dating hepe rin ng PNP.

Batay sa kaniyang post sa Twitter, sinabi ni Sen. Lacson na nagsisi­mula ang kasakiman sa simple at maliit na pagnanakaw, at kung paiiralin daw ng pamunuan ng PNP ang pagtanggap-tanggap ng regalo ay mas nakakaadik ito kumpara sa droga.

Sa isyung ito, tama ang CSC at si Sen. Lacson at mali sina Pangulong Duterte at Sen. Dela Rosa, dahil ang mandato ng PNP ay maglingkod at protektahan ang ating kababayan nang walang anumang kapalit.  (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment