MANAGINIP KAYO – YORME KOIS

NIPIS

POSIBLENG dala ng inis ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa nasaksihang tambak na basura sa Ylaya sa Binondo, Manila na iniwan ng mga magtitinda sa lugar kaya’t nang tanungin ito kung makapagtitinda ang karamihan ng mga vendor sa mga pangunahing lansangan sa Divisoria sa darating na Pasko ay naisagot nitong “Managinip kayo!”

Itinanggi ng alkalde ng Maynila na nabali na ang kanyang binitiwang salita tulad ng lumabas sa ilang balita na magbubukas ang mga kalye ng Divisoria sa mga magtitinda dahil nalalapit na ang kaPaskuhan.

Sinabi ni Moreno na mula noong Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagbabago ang kanyang paninindigan at polisiya na hindi makakapagtinda ang mga vendors sa C.M. Recto.

Bagaman noong una ay hinamon siya ng ilang critics na hindi kayang tumagal ni Moreno sa kanyang ipinalabas na panuntunan at hindi nito kayang panindigan ang kanyang mga binitiwan salita.

Subalit hanggang ngayon, may apat na buwan na ang batang alkalde ng Maynila sa kanyang puwesto ay nananatili siya sa kanyang prinsipyo.

Bilang ganti naman ni Moreno sa ilang orga­nizer na nagpapaputok na makakapagtinda na ang karamihan ng vendors sa mga lugar na dating pinuwestuhan ng mga ito dahil sasapit na ang Pasko, sinabi ni Moreno na ma­ling maling ang akala ng mga organizer na kating-kati na ang puwit na magkapera.

Tila iniinis ni Mayor Isko Moreno ang organi­zers na handang bumayad sa mga magsusulat na lumambot na ang puso ng alkalde kaya puwede na magtinda at makapuwesto ang mga ito sa C.M> Recto at iba pang pangunahin daan sa Maynila.

Bagaman maraming nangangailangan na magkaroon ng hanap-buhay ay nananatili si Moreno sa kanyang prinsipyo na kailangang sumunod sa panuntunan ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ilugar ang pagtitinda.

Nanindigan si Moreno na handa siyang bigyan ng puwesto ang ilang magtitinda subalit sa mga daang hindi makakaperwisyo. Hindi puwede sa Blumentritt, C.M. Recto at Pedro Gil.

Kapag pinagbigyan na makapagtinda ang mga ito sa kalsada, mas marami ang mapeperwisyo lalo na ang mga mananakay dahil hindi na makaraan ang mga sasakyan.

Tama naman ang gusto ng alkalde sapagkat ang nais niya ay para sa kapakanan ng nakararami at hindi ng iilan lamang. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment