MALAYANG MAGNEGOSYO ANG MGA INTSIK SA BATANES

BAKBAKAN NATIN

HINDI ako tutol sa patakaran ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging kaibigan ng bansa ang People’s Republic of China na kaiba kay da­ting Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Kaso, sumobra ang luwag ng administrasyon ni Duterte sa mga Intsik.

Kahit sa prostitusyon, kidnapping at pagtatrabaho sa online gambling na ikinategoryang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay pasok sa ating bansa.

Ang ganitong mga negosyo o pinagkakakitaan ay bawal sa China na tapat at seryosong ipinatutupad ng kanilang pamahalaan.

Ngunit, malayang nakapapasok ang mga Intsik sa ating bansa at ginagawa ang kahit anong gusto nilang gawin kahit mali at ilegal, sapagkat kumbinsido silang pasok at puwede sa Pilipinas kahit bawal at ilegal.

Inilabas ng Bakbakan Natin! nitong Oktubre 25 na ang mga dayuhang dumadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay nagbabayad ng ‘padulas’ na P50,000 kada dayuhan sa “immigration visa upon entry” upang makapasok sa ating bansa.

Kaya, maraming mga dayuhan, lalo na mga Intsik, sa ating bansa na “turista” ang kategorya kahit sa ilegal na negosyo nagtatrabaho sa bansa, sapagkat P50,000.00 ang nagpasya.

Nakapasa at nakapasok sila kahit mahigpit ang pagbabantay ng Bureau of Immigration (BI).

Ang pagpasok ng mga dayuhan, lalo na ng mga Intsik sa ngalan ng “libu-libong salapi” ay hindi bagong isyu ng katiwalian sa NAIA.

Isang bukas na kuwento ang nasabing katiwalian.

Kaya, hindi matapus-tapos ang problema ng bansa tungkol sa “illegal alien” hanggang kasalukuyan.

Noong Abril ng taong kasalukuyan, isiniwalat din ng Bakbakan Natin! ang paghahatag ng escort ng mga Japanese sa korap na mga tauhan sa Office of Transportation Security (OTS) o X – Ray Division sa NAIA.

Ang pinakamababang inaabot daw ng escort ng Japanese sa mga korap na tao sa OTS/X – Ray Division ay P50,000.00 upang makalusot ang dala-dala nitong ginto.

Sa madaling salita, may kanya-kanyang porma ng korapsyon ang iba’t ibang tanggapan sa NAIA.

Pokaragat na ‘yan!

May nagparating uli sa akin tungkol sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa, lalo na ng mga Intsik.

Ang banggit ng impormante, iyong inilabas kong korapsyon sa NAIA – BI rito sa Bakbakan Natin! ay maliit lang daw na halaga kung kukuwentahin.

Higit na malaking korapsyon ang matagal nang nagaganap sa Batanes.

Ayon sa impormante na sobrang mahal ang Pilipinas, regular na dinadayo ng mga Intsik ang Batanes, sapagkat malaki ang kinikita nila sa kanilang pagnenegosyo.

Isa sa mga pinagkakakitaan ng mga Intsik ay ang “gintong ahas” (golden snake).

Walang legal na dokumento ang mga negosyanteng Intsik, ngunit walang sumisita at nagbabawal sa kanila sa Batanes.

Syempre, ang dahilan ay mayroong “regular na kumikita” mula sa mga negosyanteng Intsik at iba pang dayuhan.

Uulitin ko po, regular na kumikita sa ilegal na pagnenegosyo ng mga dayuhan sa Batanes.

Tiniyak ng butihing impormante, kumikita ang mga politiko, ilang pulis­yang nakadestino sa Batanes at maging ilang mga taga-Bureau of Customs (BoC) na nakasasakop sa Batanes.

Aniya, hindi ito naisisiwalat sa media sapagkat napakalayo ng Batanes sa kabihasnan.

Totoo naman.

Sabi pa niya, maganda sa Batanes. Tahimik.

Ngunit, ang matindi sa lahat ay maraming kumikita sa Batanes.

Pokaragat na ‘yan!

Wala namang masama kung pupunta sa iba’t ibang panig ng bansa ang iba’t ibang klaseng dayuhan, sapagkat hindi maipagkakailang napakaganda ng Pilipinas.

Masarap magnegosyo rito.

At lalong masarap manirahan dito sa ating bansa, kahit maraming kademonyohang nangyayari araw-araw.

Ngunit, hindi dapat payagan ng pamahalaan na manatili ang korapsyon at ilegalidad sa pagpasok ng mga dayuhan tulad nang matagal nang nagaganap sa Batanes.

Ngayon, maaari kayong tumawag o magtext sa 0998 – 565 – 0271 kung mayroon kayong nalalaman tungkol sa ile­gal na mga ginagawa ng mga dayuhan saanmang panig ng bansa.

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment