MAJ. GEN GUILLERMO ELEAZAR, SUSUNOD NA CPNP!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

MARAMI ang naniniwala na inihahanda na ng malakanyang si dating National Capital Region Police Office(NCRPO) director Major General Guillermo T. Eleazar bilang susunod na chief PNP makaraang alisin ito sa kanyang puwesto at ilipat bilang Chief Directorial Staff ng PNP na siyang pang-apat sa pinakamataas na puwesto sa pambansang pulisya.

Si Major General Guillermo Eleazar ay nagpakitang gilas nang italaga ito bilang NCRPO Chief kung saan napakarami niyang accomplishments, lalo na ang pagdisiplina sa mga abusado at tiwa-ling pulis kaya nanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan.

Sa kasagsagan ng kampanya sa ilegal na droga na inilunsad ni Pa¬ngulong Rodrigo Duterte, lalong naging agresibo si Eleazar at kaliwa’t kanan ang kanyang isinagawang raid sa mga hideout ng tulak ng droga at maging ang mga drug lord ay kanyang nahuli at ipinakulong.

Kaya walang duda na siya na ang pipiliin ng ating Pangulong Duterte na susunod na hepe ng pambansang pulisya dahil sa kanyang mga kuwalipikasyon at dedikasyon sa trabaho. Ang mga kandidato sa pagka-PNP chief ay sina Lt. General Camilo Cascolan at Lt. General Archie Gamboa pero kung ikukumpara natin, mas higit ang naging accomplishment ni Eleazar kaya ang gusto ng mga Pilipino ay siya na ang susunod hepe ng pambansang pulisya.

Kung si Major General Guillermo Eleazar na ang susunod na maging PNP chief at papalit sa magreretirong si Director General Oscar Albayalde ay tiyak nasa magandang kamay ang PNP at makatitiyak si Pangulong Rodrigo Duterte na magiging tapat ito sa kanyang administrasyon bukod pa sa mapagaganda ang kalagayan ng PNP at ipagpapatuloy ang cleansing sa pambansang pulisya para mawala na ang “Ninja Cops”.

Bilang bagong Chief of Directorial Staff ng PNP, nakatutok sa buong hanay ng PNP si Eleazar para masiguro na nasa maayos ang mga miyembro ng PNP at gumagawa ito ng tama sa kanilang mga trabaho dahil iyan ang kanilang sinumpaang tungkulin – ang  bigyan proteksiyon ang mga Filipino.

Kaya kay Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bong GO, sana naman pakinggan ninyo ang boses at kahilingan ng taumbayan na si Eleazar ang ilagay ninyo bilang susunod na hepe ng pambansang pulisya. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARIO BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment