MAIBA KAYA ANG PANGAKO NI MAYOR ISKO?

RATSADAHIN NATIN

THROWBACK muna tayo. Taon 1998-2001 nang maging konsehal ng Maynila si Isko Moreno. Na­ging vice mayor siya ni Lim noong 2007-2013. May 2012, hinikayat siya ni Estrada na maging running mate nito sa pagtakbong alkalde ng lungsod. Sabi sa kanya ni Estrada, one term lamang ito at ‘di na muling tatakbo sa mga darating pang mayoral race. Nag-bise nga siya kay Estrada noong halalan ng 2013. At kapwa sila nagwagi sa May 13, 2013 elections.

Pero ang pangako kay Moreno ni Estrada na “one term” lang na magme-ma­yor ay hindi nito tinupad. Kaya naman marahil nang panahong iyon ay napilitan siyang tumakbong senador para lamang hindi siya mawala sa limelight. Sa panunungkulan nina Lim at Estrada bilang alkalde ng Maynila ay nabansot ang kanyang political career.

oOo

Mauupo na si Isko Moreno bilang alkalde ng Maynila sa darating na June 30. Sa wakas ay natupad na rin ang matagal na niyang pangarap na maging mayor ng lungsod. Tinalo kasi niya noong nakalipas na May 13 elections sina ex-President Mayor Erap Estrada at ex-Mayor Alfredo Lim. Sabi-sabi, inilampaso raw niya sa botohan ang dalawang tanders. Ang kanilang iskor: Moreno — 357,925; Estrada — 210,605; at Lim – 138,923.

Ayon sa nakasalamuha nating mga miron na sumubaybay sa nakaraang mayoral race sa Maynila, masakit daw para kay Moreno ang pagkabigo matapos siyang magpaubaya at magbigay-daan noon  kina Lim at Estrada  na kapwa tumakbong alkalde ng lungsod. Ang malakas na isinisigaw ng kanyang damdamin ay tila na-feel umano ng mga botanteng Manileño. Hayun, siya na ngayon ang nasa dating pwesto nina Lim at Estrada.

Teka… Sa panahon ng mga pangangampanya noon ni Moreno ay marami siyang ipinangako sa mga Manileño. Aniya, pagtutuunan ng kanyang admi­nistrasyon ang nauukol sa usaping pang-edukasyon, pagkakaloob ng maayos na pabahay at serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan, tutugunan din ang problema sa trapiko at basura, at kung ano-ano pa.

Pero kasabihan nga, ang bottom line ng lahat ng kandidato na pumapaloob sa political arena ay ang maipanalo ang kanilang laban. Kaya syempre pa, pati na ang langit ay ipangangako nila sa panunuyo sa mga botante.

Maiba kaya ang mga pangako ni Mayor Isko sa tinatawag na pangakong politiko? Well, tsapter muna tayo. (RATSADAHIN NATIN / REY ATALIA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment