MAHILIG SA MURA KAYA NAPAPAMAHAL

GO FOR GOLD

UNA kong narinig ang term na ito – wrong economics —  sa dad ko nung binata pa ako. Pinaliwanag niya sa amin ng ate ko na may maling pagtiti­pid. At “wrong econo­mics” ang tawag niya dito.

Sa pagnanais natin na makatipid… napapamahal pa tayo.

Sigurado naman na marami na sa inyo ang nakagawa na ng ganitong kamalian.  Sana naman ay marami rin ang naka-realize na mas napapamahal pa tayo ng gastos sa ganitong ugali.

Ikaw ba? Guilty ka ba sa pagiging kuripot ng wala sa lugar?

Majority kasi sa a­ting mga Pilipino ay price conscious o price-driven. Pag dating sa gastusin, mas bibilhin natin ang mas mura … kahit na fake yan o inferior ang quality. Tama? Ang buying decisions natin ay influenced ng presyo ng bilihin.

Samantalang ang tamang gawin ay “value for money” ang kinokonsider natin pagdating sa ating gagastusan. Maaaring mas mahal, pero mas matibay. Mas maganda ang mater­yales na ginamit. Mas komportable kapag sinuot. Hindi po ba?

Mura nga… pero hindi tumatagal. Isa o dalawang gamitan lang, sira na agad. So, bandang huli napapamahal ka pa dahil bibili ka na naman.

Ako nga minsan, nagkakamali rin kasi may time na dahil kulang sa budget, pinili ko bilhin yung mas mura na cellphone. Malaki kasi diperensya ng presyo ng 64GB sa 256GB. Ayun, na wrong economics din ako!

May kilala naman ako pagdating sa renovation sa bahay …pangunahin sa kanya ang pagtitipid. Kaya’t pag nagpapagawa siya, yung pinakamurang paraan ang pipiliin nya. Example, imbes na bakbakin ang lumang sahig, tanggalin, at saka latagan ng bagong sahig … ipapatong na lang ang bagong tiles sa existing na tiles. O kaya, imbes na bakbakin ang lumang fixtures, atbp para total makeover … ipapaiwan ang lumang pinto o wall partition para makatipid. Chopsuey tuloy ang labas.

Naaalala ko tuloy si Engr. Bayani Fernando – Mayor ng Marikina at Chairman ng MMDA. Ang turo niya sa amin ay, “Do it right the first time!”

Napakagandang paa­lala dahil mas magastos kung ilang beses mong uulitin ang isang bagay.

Ganun din sa mga consumer o fashion items. Choose quality!

Sa ganung paraan, umaasenso tayo sa ating taste o style, at pati ang kalidad ng mga produkto at serbisyong gawa sa Pilipinas nag iimprove.

Sa ngayon kasi, mas maraming negosyo ang gumagawa ng pipitchugin na produkto dahil ito ang binibili ng tao.  Ito ang demand ng merkado. So disincentive kapag gumawa ka ng maganda at dekalidad ng produkto. Wala kasing bibili. Tuloy, lugi ang negosyo.

Pag nilayan sana natin ang mensahe ng kolum na ito. (GO FOR GOLD / PAUL SISON)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment