MAHAL NA PRESYO, PANGIT NA SERBISYO NG MAYNILAD, MANILA WATER

NIPIS

SA pagkakatanda ng inyong lingkod, nailabas sa kolum na ito ang problema sa tubig ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan noong Nobyembre 19 ilang araw bago pumutok ang galit ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa water concessionaires na Maynilad at Manila Water.

Totoong napakamahal ng singil ng dalawang kumpanya sa pangit  na serbisyo ng tubig kanilang ipinagkakaloob sa mga residente ng Metro Manila, Cavite at Rizal.

Noon, mismong empleyado ng Maynilad at Manila Water ang nagdadala at nag-aabot sa mga residente ng billing statement at sinisigurong makakarating at matatanggap iyon ng consu­mers. Pero ngayon, dahil iwas sila sa mga permanent at regular na em­pleyado, ginawa nilang service provider na lang ang gumagawa nito para sa kanila. Mas malaki nga naman ang kanilang mati­tipid. Pero hindi naman nakakarating sa oras ang billing statement.

At lalong wala sa oras kapag dumating ang disconnection notice. Naputulan na, nakabayad na at naibalik na ang serbisyo bago dumating ang notice na kadalasan ay iniiwan na lang ng  kanilang service provider sa mail box.

Sabagay nangyayari lang naman ang ganyang insidente sa mga mahihirap dahil ang mga maya­yaman ay nakatala at may reminder sila sa araw ng bayaran ng tubig, kur­yente, telepono, internet at iba pa.

Kasi naman, kapag naputulan ang mahihirap, inaabot ng ilang araw bago maikabit ang serbisyo ng tubig. Kailangang kulitin mo pa ang Maynilad o Manila Water para lang maibalik ang kanilang serbisyo.

Kaya naman sabi ng mahihirap, kapag magpuputol ang bilis, kapag magkakabit ang bagal gayung hindi ka naman makakabitan muli kung hindi ka magbabayad.

Sana, makita ng pamahalaan ang ginagawang pagmamalupit ng dalawang water concessio­naires sa mga mamamayang mahihirap lalo na sa water interruption. Sobrang unfair dahil sa lugar ng mahihirap halos kulang isang araw ang pagkawala ng tubig samantalang sa villages, posh subdivisions o lugar ng maya­yaman ay halos 4 hanggang 6 na oras lang mawalan at tuwing gabing gabi na o madaling araw.

Hay naku, sobrang anti-masa o  galit sa mahihirap ang mga ito samantalang katas ng pawis at dugo ng mahihirap ang kanilang pinipiga sa kanilang ginagawa para kumita ng pera. Kaya nga tama lang si Pangulong Digong na ayusin nila ang kontrata kung hindi ay may kalalagyan sila.

Ngayon marami ang humanga kay Presidente Duterte sa paninindigan nito na banggain ang mga mayayamang nagsasamantala sa kahinaan ng mahihirap lalo na pagdating sa basic needs na tubig nga ang pangunahin bilang inumin, pampaligo, panlaba at iba pang gamit.

Sana, makapag-ikot si Pa­ngulong Duterte o kung sino man sa kanyang mga opisyales upang makita ang mga ginagawang pambabalasubas ng Maynilad at Manila Water sa mga kalsada at kanal na ipinagawa ng pamahalaan.

Makikitang ang dami ng mga hinukay, nilagyan ng malalaking tubo at iba pa na ginagawa ng dalawang water concessionaires na sinasabing bahagi ng kanilang improvement sa serbisyo pero matapos hukayin ang mga sementadong kalye ay tatabunan na lang at iiwan na hindi man lang magbigay ng panahon para muling isimento ang kanilang hinukay.

Aba’y iniasa na talaga sa pamahalaan ang pagsasaayos ng bahagi ng kanilang sinasabing improvement sa serbisyo. Sabagay, pumapayag naman kasi ang local government units (LGUs) sa panggagago ng water concessionaire sa kanilang nasasakupan.

Kasi kung talagang mahigpit ang LGUs, dapat hindi kaagad nila bigyan ng permit ang mga ito para maghukay at magsagawa ng improvement. Teka, kumukuha nga ba ng permit? Kasi kahit sa local police ay kailangan nilang kumuha ng permiso lalo na kapag magkakaproblema sa daloy ng trapiko.

Teka, teka, teka. Parang hindi na ganito ang proseso ngayon. Parang direktang nagsasagawa na ng improvements ang Maynilad at Manila Waters nang walang paalam sa LGU at police. Aba’y kailangang maaksyunan ito. (NIPIS / LEA BOTONES)

Related posts

Leave a Comment