MAGING HAYAHAY ANG BUHAY NG LAHI NI JDC

BOMBAHAN NA FINAL

MATINDI ang tagubilin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang mga gabinete na gawing maging kumportable ang buhay ng mga Pilipino.

Sa aming mga bisaya, ang tawag sa kumportable ay ‘hayahay’, ibig sabihin sa tagalog, maging madali o magaan.

Kamakailan, naging panauhin sa isang kilalang network ang ilang gabinete ni Pangulong Duterte at napag-usapan nila ang 75 infrastructure projects ng administrasyon.

Kabilang sa mga gabinete sina DPWH Secretary Mark Villar, DOTr Sec. Art Tugade, NEDA Sec. General Ernesto Pernia, Budget Sec. Benjamin Diokno at ma­ging itong si Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President/CEO Vince Dizon.

Nagkakaisang ina­min ng mga opisyal na ito na ang tagubilin sa kanila ni Pangulong Duterte ay gawing hayahay ang buhay ng lahi ni Juan Dela Cruz (JDC).

Sa paanong paraan, mga silipero ng BOMBAHAN NA?

Sa pamamagitan ng sabay-sabay na proyekto ng administrasyon.

Ika nga, kaliwa’t kanang makikita natin ang konstruksyon dito, konstruksyon doon.

Sa Metro Manila (National Capital Region), nariyan ang sub-way train project, MRT-7, Harbor Link Skyway, PNR train mula Tutuban hanggang Clark, Pampanga at Tutuban hanggang Bicol Region.

Nariyan din ang sabay-sabay na proyekto ng mga paliparan o airport at mga pantalan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Unahin natin ang MRTs at LRTs, pagdudugtungin ang mga dulo nito na kasalukuyang nasa konstruksyon sa pagitan ng SM department store at Trinoma sa panulukan ng North Ave­nue at EDSA sa Quezon City.

Pag natapos ito, hayahay ang pagsakay ng mga ordinaryong Pilipino. Hindi na nila kailangan pang bumaba sa mataas na hagdanan nito para pumunta sa LRT kung galing sa MRT dahil magkarugtong na ito.

Ang Harbor Link Skyway naman na matatapos ngayong taon ay hindi na kinakailangan pang dumaan sa EDSA ang mga pribadong sasakyan mula North patu­ngong South o mula Bulacan patungong Laguna.

Ang subway train ay malaking tulong din sa mga ordinaryong mananakay dahil mamimili na lang sila kung saan sila sasakay – sa ilalim (subway train) o sa itaas (MRTs at LRTs).

Madali na rin ang transportasyon mula Bicol patu­ngong Manila sa PNR train at Clark Pampanga-Tutuban, Tondo Manila vice versa.

Maiibsan na rin ang problema ng masikip ng daloy ng mga sasakyan patungo sa Ninoy Aquino International Airport sa Parañaque City dahil operational na rin ang Clark International Airport.

Bagamat hindi pa ganap na tapos ang Clark International Airport na talaga namang world class.

Mismong ang BOMBAHAN NA ay nakaranas na sumakay rito ng eroplano.

Bagamat hindi pa operational ang PNR mula Tutuban patungong Clark International Airport ay madali na rin nga­yon ang transportasyon dahil may mga nakaabang na Point 2 Point bus dito patungong Trinoma department store sa EDSA, Quezon City.

May natanggap pang info ang BOMBAHAN NA na plano rin lagyan ng tulay ang pagitan ng Matnog (Sorsogon, Bicol) at Allen (Samar Island), maging ang pagitan ng Leyte at Mindanao.

Bilyong dolyares ang pondo sa mga proyektong ito.

At siyempre, kaakibat ng maraming proyekto na yan ang maraming trabaho para sa lahi ni Juan.

Nariyan din ang magandang plano sa Clark Global City, isang mala-HongKong na siyudad, ayon kay Vince Dizon ng BCDA na silang namamahala sa pagbuo nito.

Sa dami ng mga proyektong ito na tinawag ng admi­nistrasyong Duterte na BUILD, BUILD, BUILD kahit pa pagsama-samahin ang lahat ng mga proyekto ng mga nakaraang administrasyon ay malalagpasan pa nito.

At ang lahat ng ito ay sa loob lamang ng maigsing pa­nahon, ang 6-taon termino ng tinawag ng mga ordinaryong Pinoy na si Tatay Digong.

Yan ang tunay na RODRIGO NG PAGBABAGO!

God Bless Us!

oOo

Pasabugin ang katiwalian at kabutihan isumbong sa BOMBAHAN NA mag-email joel2amongo@yahoo.com

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment