MAGANDANG LAYUNIN NG 4Ps, NAPUPOLITIKA?

TINIG NG MANGGAGAWA final

MARAMING salamat sa benepisyo ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o hi­git na kilala sa tawag na 4Ps sa ilalim ng Republic Act (RA) 11310.

Milyong Pilipino ang nabibiyayaan ng programang ito simula pa noong taong 2012. Ang batas ay inakda ng nakakulong ngayon na si Sen. Leila De Lima bilang principal sponsor at Sen. Bam Aquino, bilang co-author at kapwa nasa panig ng oposisyon ng kasaluku­yang administrasyon.

Ang magandang programang ito ng 4Ps ay pinakikinabangan ngayon, hindi lamang ng mahihirap na Pilipino kundi maging ang mismong gob­yernong Duterte. Ba­kit ‘ika mo?

Sa ganda ng layunin, sinakyan ito ng kasalukuyang administasyon, pinalantsa at inaprubahan ng presidente ang batas sa ilalim ng RA 11310. Ito’y tuluyang nilagdaan ni Pangulong Digong nu’ng Abril 17, mahigit tatlong linggo bago sumapit ang midterm elections nitong Mayo 13, 2019.

Maganda talaga ang layunin ng programang ito kung maimplementa lamang nang tama at walang halong PAMUMULITIKA.

‘Ika nga mismo ng may akda nito, “Tagumpay ito, lalo na ng mahihirap nating kababayan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay,” ayon kay Sen. De Lima sa isang panayam.

Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palawakin ang pagkakaloob ng ayudang pinansyal sa mga kuwalipikadong mahirap na pamilyang Pilipino.

Ang bawat kuwalipikadong pamilya ay pagkakalooban kada taon ng hindi bababa sa P300 bawat anak na nag-aaral sa “daycare” at elementary, sa loob ng 10 buwan, sa isang taon; P500 bawat anak na nag-aaral sa ju­nior high school, at P700 kada bata na naka-enroll sa senior high school.

Bukod dito, pagkakalooban din ng gob­yerno ng hindi bababa sa P750 kada buwan sa loob ng isang taon bilang ayuda sa kalusugan ng isang beneficiary.

Para raw maging benepisyaryo ng 4Ps, dapat ay pumasa sa ilang alituntunin na hinihingi ng nasabing batas. Ilan dito ay; Dapat kabilang sa mahirap at pinakamahirap na pamilya sa kanilang lugar; Mayroong anak na may edad zero hanggang 18 anyos o kaya ay miyembro ng mahirap na pamilya na nagdadalantao sa panahon ng pagpapatala nito.

Ang naatasang mag-asses nito ay ang tanggapan ng DSWD at sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng barangay na nakasasakop sa nais maging miyembro ng 4Ps.

Walang duda, maganda talaga ang layunin ng 4Ps na napasimulan na ng dating administrasyon at sinakyan, este nilagdaan ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Digong.

Gayunman, tila nababahiran ngayon ng alingasngas ang programang ito dahil sa ilang reklamo mula sa ating mga ka-manggagawa.  Bunsod ito ng hindi raw PATAS na pagpapatupad nito, pagkakaroon ng DISKRIMINASYON at higit sa lahat PALAKASAN.

Sa mga susunod na isyu ng “Tinig ng Manggagawa”, hihimayin natin ang mga reklamong nakarating sa kolum na ito. Reklamong dapat tugunan at aksyunan ng mga kinauukulan. Abangan!

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment