MAGAGALIT NA BA SI PRES. DUTERTE SA BFF N’YA?

TINIG NG MANGGAGAWA final

MATINDI na ang pambu-bully ng mga Intsik sa mga mangingisdang Pinoy. Kung noon ay itinataboy lang ang mga ito sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig kahit pa nasa loob mismo ng bahagi ng sakop ng ating karagatan, nga­yon ay nagawa na nilang banggain at palubugin ang bangka na may lulang 22 mangingisdang Pilipino.

Hindi natin masasabing aksidente o hindi nila sinadya ang pangyayari dahil kung ganun nga, sana ay tinulungan nila ang mga mangingisda nang papalubog na ang bangka ng mga ito. Pero hindi ganun ang nangyari dahil matapos nilang banggain ay umalis ang Chinese vessel at iniwan ang mga mangingisdang kanya-kanyang langoy para mailigtas ang sarili.

Mabuti na lang at may mga Vietnamese na agad nakaresponde at natulungan ang ating mga kababayan kaya nakaligtas ang mga ito.

Imbes namang humi­ngi ng dispensa ang China sa ginawa ng kababayan nila, ang sabi ni China foreign ministry spokesman Geng Shuang, ito ay isang “ordinary maritime accident.”

Hindi pa ba maliwanag na tinatarantado na tayo ng China?

Nagbabala pa si Shu­ang laban sa aniya’y ires­ponsableng pamumulitika sa naturang insidente.

May gana pang magbanta ang tinamaan ng lintik!

Naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang nararapat na aksyon dahil hindi dapat palampasin ang barbarikong asal ng mga singkit na yan.

Ang magandang marinig ang reaksyon ay kay Pangulong Duterte.

Pero mukhang tahimik si Tatay Digong at wala tayong marinig na kaunti man lang na pagpalag sa ginawa ng BFF niyang mga Intsik.

Ang sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ay nagalit si Presidente sa pangyayari. Pero hindi nya masabi kung kinakailangan pang iakyat sa United Nations ang barbarikong ginawa ng ilang Chinese.

Tingnan nga natin kung sa pagkakataong ito ay magagalit talaga si Pangulong Duterte sa kaibigan niyang China o tatahimik na lang siya at ida-divert ang atensyon natin sa ibang isyu.

oOo

Nitong pagpasok ng buwan ng Hunyo ay magkasunod ang holiday kaya masaya ang iba nating mga kapwa manggagawa partikular ang mga nasa pribadong sektor.

Paano nga kasi’y dalawang double pay ang ibig sabihin ng magkasunod na holiday. Una ay noong Hunyo 5 na Eid’l Fitr at nitong Hunyo 12 na Independence Day.

Nag-isyu ng advisory si Labor Secretary Silvestre Bello III, para ipaalala ang double pay na dapat ibigay sa mga empleyado.

Nakasaad sa advisory, na ang mga empleyadong hindi papasok sa mga naturang araw ay dapat na bayaran ng 100 percent ng kanilang sweldo ([Basic wage + COLA] x 100 percent), habang ang mga nagtrabaho naman sa nasabing mga araw ay pagkakalooban ng 200 percent ng kanilang regular salary para sa unang walong oras ng trabaho ([Basic wage + COLA] x 200 percent).

Sana naman ay makonsensya ang mga employer na magugulang. Ibigay ninyo ang nararapat na sahod sa mga empleyado niyo para naman ganahan silang magtrabaho. Kapag masaya ang mga yan ay siguradong maganda rin ang output ng kanilang trabaho na ang makikinabang ay ang inyo rin namang kompanya.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipa­dala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment