MAG-INGAT SA SINDIKATO SA EXPRESS ONLINE BANKING

TINIG NG MANGGAGAWA final

HABANG paunlad nang paunlad ang teknolohiya sa mundo, nagli-level-up din ang modus ng mga sindikato na ang layunin ay makapanloko at makapangulimbat ng malaking halaga ng pera.

Gamit ang modernong teknolohiya tulad ng CELLPHONE, COMPUTER at INTERNET, naisasakatuparan ang modus lalo na sa mga potential victim na mayroon ding paghahangad ng madaliang pagkita o kung tawagin sila ay “willing victims”.

Samantalang ang iba naman ay nabibiktima ng panloloko ng sindikato dahil sa kakulangan ng kaalaman sa proseso ng sinasabi nating “modernong teknolohiya” sa pamamagitan ng ONLINE BANKING TRANSACTION.

Nakapagtataka nga lamang, tila isang pattern ang nangyayari at isang bangko lamang ang napag-didiskitahan ng modus na ito. (Kung mayroon man sa ibang bangko, hindi pa ito nakarating sa ating kaalaman).

Isang karanasan ang ibinahagi ng ating kaibigan at dating kasamahan sa industriya na si JEPOY PANLILIO. Personal n’ya itong na-encounter matapos makatanggap ng mensahe mula sa Electronic Mail (E-mail) na nagmula umano sa Bank of Philippine Islands (BPI).

Ayon kay Mr. Panlilio, may na-receive siyang dalawang e-mail. ‘Yung una, March 15, 2019, na sinasabing may gumamit ng kanyang bank account online.  Ang transaksyon ay nangyari raw sa Singapore kung saan nag-purchase daw s’ya ng iphone 7 online.

“May tono pang pagmamalasakit ang mensahe na kung hindi raw ako ang gumawa ng transaksyon, pwede naman daw i-refund. Nasa unang screenshot, may attachment na word document na refund form kapag inopen yung attached file, jpeg file lamang at sa “screenshot 2”, wala naman ibang detalye kung ano ang gagawin. Seems legit, pero upon checking, hindi nagmula sa legit BPI registered email add ‘yung mail,” ayon sa paglalahad ni Mr. Panlilio.

After 10 days, muling nakatanggap ng e-mail from BPI (kuno) si Mr. Panlilio. Sinasabi sa mensahe na kailangan na raw nilang “I-DEACTIVATE” temporarily ang kanyang account. At para ma-activate muli ito, kailangan daw mag fill-up ng form.

Parang legit pa rin daw kasi ‘yung kulay at email ay parang BPI nga. Subalit kapag sinuri itong mabuti, ‘yung email add n’ya ay hindi galing sa BPI site. Ito ‘yung address, verify@bpiexpressonline.koms sa halip na bpiexpressonline.com.

Idinagdag pa ni Mr. Panlilio, “Though, ‘yung link na binigay n’ya ay legit naman. Pero upon clicking, lilipat siya sa isang page na same ng BPI online login page. Seems legit pa rin. Pero eto na, upon checking ulit, ang site host ay: peralatanresto.com. Boom! Click bait pala.”

Ayon pa sa depositor na si Mr. Panlilio, kapag ni-LOG IN mo ‘yung account mo dito, BINGGO, tiyak HACKED na ang account mo dahil naibigay mo na ang USERNAME at maging ang iyong PASSWORD.

Kung sakaling hindi ito alam ng bibiktimahing depositor at napasunod sa mapanlinlang na proseso ng sindikato, tiyak LIMAS ang inyong pinaghirapan na nakadeposito sa bangko.

Linawin lamang natin, hindi ko direktang dinadawit ang pamunuan ng BPI pero dapat ay mag-imbestiga kayo. Dahil malamang sa totoo, meron kayong malaking tao sa loob na sangkot sa modus na ito.

Alam ng sindikato na kahit saang anggulo, kapag ginamit ang inyong personal na detalye ng iyong pagkatao, KAYO ANG TALO. Bakit ‘ika mo? Palalabasin ng sindikato na kayo mismo ang nakikipagtransaksyon dahil gamit ang iyong pagkatao.

Magsilbing babala ito sa mga DEPOSITOR na naka-enroll online, hindi lamang sa BPI, kundi maging sa ibang bangko. Tiyaking mabuti na naiintindihan ang bawat binibigay na detalye sa alinmang transaksyon ONLINE. Sa isang pagkakamali, tiyak TODAS ang inyong pinaghirapan.

Nagpapasalamat ang kolum na ito kay Mr. Jepoy Panlilio. Dahil sa pagbahagi mo, marami tayong kababayan ang maliliwanagan at posibleng makaiwas sa ganitong uri ng “modus” ng sindikato.

Tandaan! Maging mapagmatyag sa lahat ng oras at pagkakataon.

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran. Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com.  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment