MABUTING NAKAPAG-ISIP SI PRRD

NIPIS

NOONG isang linggo bago umalis si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Russia, nagkaroon ng laglagan sa imbestigasyon sa Senado kaugnay sa droga kung saan muling nabuhay ang usapin sa ‘ninja cops.’

Marami pala ang ninja cops na ang original ay pawang mula sa Manila Police District tulad nang unang nabanggit sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon committee kung saan sinabi pang isinasalya ng mga pulis na sangkot sa droga ang kanilang mga nakumpiskang bawal na gamot sa drug queen na si Guia Gomez Castro.

Kaya lang biglang nagbago ang takbo ng pagdinig at nauwi sa usapin na ang mga ‘ninja cops’ ay pawang mga alaga umano ni Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde noong siya ang Provincial Director ng Pampanga.

Nagisang mabuti si Albayalde sa Senado na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon matapos ilaglag nina dating Criminal Investigation and Detection Group chief  Gen. Benjie Magalong, ngayon ay mayor ng Baguio City, at Philippine Drug Enforcement Agency director Aaron Aquino.

Bago nagtungo si Presidente Digong sa Russia, nagkaroon umano nang pagkakataon sina Magalong at Aquino na humarap sa una at magsalita ng mga impormasyon hinggil sa droga. Kaya naman nang nasa Russia ang ‘haligi ng bansa’ nasabi nito na dalawang heneral sa PNP ang protektor ng droga.

Nabanggit pa nga umano ni Magalong sa ilang kaibigan niya at kakilala sa media nan ang magtungto sila  kay Pangulong Duterte, napakatapang at lakas ng loob ni Aquino na magsumbong kay Pangulong Duterte subalit pagdating sa Senado ay parang asong bahag ang buntot kaya’t ilang beses niya itong sinabihan na “Aaron, magsalita ka.”

Dahil sa sumbong umano nina Magalong at Aquino kay Pangulong Digong, nabigla na rin ang pangulo sa mga binitiwang salita niya sa Russia  na ‘dalawang heneral ang protektor ng droga sa bansa. ‘

Subalit maaaring nakapag-isip ang pangulo at napag-aralang mabuti ang takbo ng pangyayari sa Senado. Posibleng nabasa rin ng president na may motibo ang mga gumigiba kay Albayalde.

Kasi nga naman, bakit naman kung kailan magreretiro na si Albayalde sa Nobyembre 8 ngayong taon ay saka pa nila ilalabas ang mga pangyayaring may kaugnayan sa droga.

Hindi kaya sindikato ito ng Philippine National Police sa pagtatalaga ng susunod na PNP chief o ng posibleng kapalit ni Albayalde?

Kapag sirang sira o basing basa ang pangalan ng kasalukuyang PNP chief ay hindi na ito papaniwalaan ng tao lalo na ni Pangulong Duterte kaya’t hindi na ito makakapag-endorso ng bata niya sa PNP bilang kapalit niya sa puwesto.

Natural, mauupo ang iba pang contender at higit sa lahat ay ang Davao group o Davao connection.

Kaya naman nabigo ang ilang umaasa na pagdating ni Pangulong Digong ay sisibakin na sa puwesto si Gen Albayalde dahil sa pagputok ng pangalan nito na ‘may alagang mga pulis na sangkot sa droga.’

Mabuti na lang, nabigo ang mga may pakana ng iskandalo dahil naiba ang ihip ng hangin. Pagdating ng pangulo sa bansa, wala muna siyang naging aksyon sa imbestigasyong isinagawa ng Senado at sa halip ay inatasan ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ni Albayalde sa ‘ninja cops.’

Kasi nga naman sa hearing sa Senado, puro salita at walang matibay na ebidensiya na magsasangkot kay Albayalde sa mga akusasyon sa kanya.

O, eh di matatahimik na pansamantagal este pansamantala ang mga mandirigmang salto sa plano nila na mapagtulungan ang PNP chief na kung sakali nga namang nakalusot sila sa plano ay posibleng masungkit ng mga bata nila ang puwesto at doon pa lang magkakatotoo na may mga pulis na sangkot sa droga.

Sobrang NIPIS kasi ng mga akusasyon ninyo kay Albayalde. Sana, bago maglabas ng anumang akusasyon, dapat may mga hawak na ebidensiya upang hindi pumalpak ang plano.

Kaya ngayon, doble trabaho muli si Albayalde upang maisaayos ang problemang nilikha ng mga upperclassman niya sa Philippine Military Academy. Parang hindi nag-iisip ang mga ito na ang kasiraan ng puno ng PNP ay kasiraan ng buong kapulisan.

Bakit kaya hindi subakan ni Pangulong Duterte na mula sa Philippine National Police Academy ang ipalit na PNP chief kay Albayalde? Marami namang mahuhusay na opisyal mula sa PNPA pero ipinipilit lagi ang PMA. Baka sakaling kapag PNPA ang nakaupo ay magtulungan ang mga ito sa halip na magkainggitan. (NIPIS / Lea Botones)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment