MABUHAY ANG PILIPINAS!

RESPONDE.jpg

SABAY-SABAY nating sinalubong ang Araw ng Kalayaan ng ating bansang Pilipinas! Ang kalayaan na ating natamo nuong 1898 mula sa bansang Espanya ay simbolo ng katatagan ng ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay upang tayo ay umabot sa panahong ito. Napakahalaga ang magbalik-tanaw lalo na sa mga kabataan nga­yon na tila hindi nagkaroon ng pagkakataong masilayan ang istorya ng nakaraan.

300 taon na ang lumipas. Napakaraming bayani ang humarap sa tawag ng ating bayan. Marami ang mga lumaban sa sulat-kamay at gayundin sa kamaong bakbakan. Sila ay kinilala at binigyang pugay. Marami rin ang tahimik lamang lumaban at s’ya namang bumago sa ating kasaysayan.

Sa Pilipinas man o sa ibayong bansa, patuloy ang laban ng bawat Pilipino para sa kani-kanilang bersyon ng kalayaan. Kung kaya atin ding ipagdasal sa Poong Maykapal na gabayan tayong lahat sa ating hamon sa buhay.

Matatandaang tumindig ang Administras­yong Duterte laban sa basura ng Canada. Eto muli ang pagsubok mula naman sa Tsina pagkatapos ng banggaan ng mga bangka sa West Philippine Sea. Ang “collision” sa dagat ay minsan hindi maiiwasan. Ngunit ang pag-abandona sa ating mga Pilipinong mangingisda ay isang paglabag sa internasyonal na kasunduan sa ilalim ng UNCLOS. Kung kaya ito ay hindi dapat palagpasin at ating labanan.

Kung ating susuriin ay mahusay ang ating liderato, sapat ang ating mga batas. Ngunit, sa suma total, nasa ating mga kamay pa rin nakasalalay ang ating buhay at kinabukasan. Lumaban tayo pag tayo’y inaapi. Patuloy na isulong ang kalayaan laban sa pang-aalipusta ng ibang bansa at gayun na rin sa iligal na droga, krimen, at korapsyon.

Mainam na naglipana ang pagdiriwang ng bawat isa mula sa gobyerno at pati na rin sa pribadong sektor, dito sa atin at sa bawat sulok ng mundo. Ang paggunita ng sambayanang Pilipino ay nagbibigay pag-asa na kahit anoman ang a­ting pagkakaiba sa ating paniniwala at sa ating pinagmulan, isa lamang ang ating hangarin – ang magbuklod bilang isang malayang Pilipinas kung saan masaya, malusog, maayos at maunlad ang bawat Pilipino.

Binabati kita sa iyong kalayaan! Mabuhay Pilipinas! (RESPONDE ORA MISMO / KUYA JOE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment