MABIBIYAYAAN ANG MGA KORAP AT SANGKOT SA DROGA

CHRISTIAN BOMB

HINDI katanggap-tanggap sa taumbayan ang pag-apruba ng tatlong komite ng Senado na pagpapaliban sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa May 2020, at ang halalang pambarangay ay itinakda sa Mayo 2023.

Ang mga komiteng nag-apruba nito ay ang Committee on Electoral Reforms and People’s Participations, Committee on Local Goverment at Committee on Finance.

Bagamat hindi pa pinal ay malaki ang posibilidad na maaprubahan ito dahil 11 senador na ang lumagda para ipagpaliban ang halalan sa susunod na taon, na ibig sabihin ay kailangan na lang ang 2 lagda ng mga senador para sa majority votes at puwede na itong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-utos sa mga mambabatas na ikansela ang eleksyong pambarangay.

Sakaling mapirmahan na ni Pangulong Duterte ang pagpapaliban sa halalan ay ito na ang ikatlong pagkansela sa Barangay at SK elections na ginawa ng administrasyong Duterte dahil ang nakatakdang halalang pambarangay nuong October 2016 ay ­ipinagpaliban at sana ay gaganapin ito nuong October 2017, pero muli itong kinansela at ang halalan ay isinagawa na nuong May 14, 2018.

Kapag naisakatuparan na gawin ang May 2020 halalang pambarangay sa May 2023 ay limang taon na manunungkulan sa barangay ang mga chairman, kagawad at SK officials.

Iyan ang hindi katanggap-tanggap sa mamamayan.

Nakasanayan na kasi ng mamamayan na ­maghalal ng mga kursunada nilang mamuno sa kanilang mga barangay tuwing ikatlong taon at ang mga ­mabubuting barangay official ay muli nilang ­ibinoboto at ang mga tiwali, sangkot sa droga at iba pang illegal ay ibinabasura nila sa eleksyon.

Pero dahil sa hangarin ni Pangulong Duterte at mga kaalyado niyang senador na pagpapaliban sa halalang pambarangay, pati ang mga hindi karapat-dapat na barangay at SK officials sa posisyon ay kasama sa mabibiyaan dahil mananatili pa sila sa poder hanggang May 2023.

o0o

TIMBRE: Paging PNP Chief Director General ­Oscar Albayalde… Sa Laguna, namamayagpag daw ang pa-jueteng ng isang alyas “Don Ramon”…maglalatag na rin daw ng mga peryahang may color games, beto-beto, hilo at drop balls sina alyas “Jessica” at “Lourdes Tomboy.” (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Related posts

Leave a Comment