LINISIN NI IRAL ANG BJMP MULA SA KATIWALIAN AT KORAPSYON 

BAKBAKAN NATIN

SIMULA nitong Marso 27, si Director Allan Iral na ang Officer-In-Charge (OIC) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos magretiro si Director Deogracias Tapayan.

Dalangin ko’y maging masaya si Tapayan sa kanyang buhay sa mga susunod na taon.

Buhay na inilaan ng daigdig na ito sa isang napakayamang tao.

Hindi ko man kaibigan si Iral, binabati ko siya makaraang siya ang piliin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na maging pinuno ng BJMP kaysa kay Chief Supt. Ignacio Panti, hepe ng BJMP – National Capital Region.

Sabi ng ilan sa mga kapwa ko opisyal sa DILG Press Corps, karapat-dapat si Iral na maging pinuno ng BJMP higit kanino pa man, kabilang na si Panti.

Bakit kaya?

Marahil, marami silang naririnig na hindi maganda tungkol kay Panti.

O, baka naman masyadong mailap at hindi nakikipag-usap si Panti sa media.

Kung kay Iral, wala pa naman akong naririnig na masamang balita laban sa kanya.

Wala rin akong nasasagap na impormasyon mula sa ating mga kaibigan sa BJMP na kabalbalan, katiwalian at ko­rapsyong ginagawa si Iral.

Hindi ko lang alam kay Chief Insp. Xavier Solda, tagapagsalita ng BJMP, dahil ayaw na nitong makipag-usap sa anomang paraan mula nang tumaas ang ranggo.

Hindi ko rin alam kung mag-iba ang takbo ng isip niya sa mga susunod na buwan.

Gayunpaman, baban­tayan at hindi tayo magdadalawang-isip na isiwalat at ilabas sa kolum na ito kung magloloko at magiging korap si Iral.

Ngayong si Iral na ang OIC ng BJMP, pihadong maraming trabaho itong aasikasuhin at gagawin upang mapabuti at malinis ang BJMP mula sa mga kapalpakan at kapabayaan sa mga nakalipas na taon.

Pangunahing dapat tutukan at solusyunan ni Iral ang talamak na katiwalian at koraps­yon sa BJMP.

Ngayong panahon ng eleksyon, bawal munang magtanggal at maglipat si Iral ng sinomang opisyal ng BJMP, kabilang na iyong mga jail warden.

Kaya, higit isang buwang ligtas ang mga jail warden na isinusuka at kinaiinisan ng kanilang jail officers at mga bilanggo dahil sobra-sobrang pagpapabaya sa kanila.

Pero, naririto lang ang inyong lingkod – naririto lang ang Bakbakan Natin – na magbabantay laban sa mga tiwali at korap na opisyal ng BJMP.

Ang isa pang hindi magagalaw ni Iral ay ang ‘mataas na opisyal’ ng BJMP kahit mayroon umanong reklamong korapsyon laban sa kanya na ang halagang kinasasangkutan ay mahigit P9 milyon umano.

Ang narinig kong impormasyon ay nakarating na raw sa Malacañang ang mga dokumento hinggil sa korapsyong ito.

Hindi ko lang alam kung sa mismong tanggapan ng Office of the President (OP) naibigay ang mga dokumento laban sa nasabing chief superintendent o sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Para sa akin, hindi isyu kung saan nakarating ang nasabing mga dokumento.

Ang mahalaga ay maimbestigahan ang nasabing chief superintendent at sampahan ng kaukulang kaso sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kung may matibay at malakas na ebidensiya laban sa kanya.

Matapos nito, si Pangulong Duterte na ang mag-uutos kay Año o kay Iral kung ano ang pinakamahusay na gawin kay chief superintendent.

Palagay ko, ang maganda at karapat-dapat gawin ni Iral habang panahon ng halalan ay pagsabihan ang mga jail warden na huwag bawasan at kupitan ang allowance ng kanilang jail officers, tratuhin bilang tao ang mga bilanggo, bigyan ng magandang bigas at ulam ang mga bilanggo dahil P60 naman ang food allo­wance ng bawat isa sa kanila kada araw.

Ayos ba ito OIC Iral?

Pumayag kaya sina Chief Supt. Ruel Rivera, Chief Supt. Leo Baldon, Chief Supt. Edwin Riel at Chief Supt. Panti sa ganitong mga mungkahi?

Pabor kaya si Supt. Fermin “Ike” Enriquez?

oOo

Iparating lang po ang inyong pahayag sa kolum na ito.  (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Related posts

Leave a Comment