‘KUYOG MENTALITY’

BOMBA KA DAY

MINSAN may isang estudyanteng nagpasaklolo dahil tinangka siyang dukutan.

Itinuro niya ang lalaking dumukot sa wallet niya, mabuti na lang at agad niyang naramdaman kaya hindi nadekwat ang pera niya.

Dahil nasa may terminal siya ng tricycle nang mga sandaling iyon ay agad naalerto ang ilang tsuper.

Nang sabihin ng estudyante na: ‘Magnanakaw oh’ sabay turo sa lalaki ay agad itong pinaligiran ng mga ‘pa-hero’ na tsuper.

May nanadyak, may nanapak. Sige kani-kanya silang pasiklab.

Ang ending ng kwento? Ayun nakatakas ang magnanakaw.

Ang siste kasi, matapos magpakawala ng kamao ng isang sumaklolo, bumalik na ito sa kanyang tricycle. Ganundin ang isa pa, at ang isa pa. Hanggang ang kawatan, nakatakbo.

May isang nagtangkang pigilan ito, niyapos niya pero nakapiglas pa rin dahil wala namang ibang tumulong.

Yon mga ‘pa-hero’ na unang sumaklolo, nagkasya na lamang na habulin ng tingin ang tumatakbong snatcher.

Yon iba, pangisi-ngisi pa na para bang proud na nakasapak sila.

Napaisip ako, gusto ba talaga nilang tumulong o binigyang kasiyahan lang ang sarili sa pamamagitan ng pananakit sa iba?

May isa pang pagkakataon na nasaksihan ko ang ilang kalalakihan na parang mga boksingero na trip mag-practice.

May isang bangag na solvent boy o batang hamog ang nagtangkang mag-carnap ng jeepney. Siguro dala ng pagkabangag, napagtripan nitong imaneho ang nakaparadang jeep.

Wala siyang direksyon, parang bago pa lang natutong magmaneho.

Sa kanyang pagtakas, ilang sasakyan ang ginasgasan at sinagi niya kaya nagtulong-tulong ang mga tsuper na habulin siya hanggang maabutan nila. Trapik naman kaya hindi gaanong nakalayo ang tinedyer na carnapper.

Nang abutan, may isang hinila pababa sa jeep ang binatilyo at doon na nagsimula ang walang patumanggang pananakit.

May sumuntok, nanadyak, may sumasakal. Maya-maya pa, may dugo na sa mukha ang tinedyer.

Habang hindi magkamayaw ang mga sumasapak, may isang sumigaw ‘PATAYIN NA YAN!”

Nilingon ko, may edad nang lalaki. Parang kulang pa sa kanya na duguan na ang nasa harapan niya gusto niya talaga, humantong pa sa krimen.

Mali ang ginawa ng binatilyo dapat siyang maparusahan.

May tamang proseso. Nahuli na, dalhin sa presinto at kasuhan kung maaari na siyang kasuhan at ipaubaya na sa mga awtoridad. Iyon ang dapat mangyari.

Pero bakit wala na atang nakakaisip ngayon na ang mali ay hindi kailanman maitatama ng isa pang pagkakamali.

Ang binatilyong bangag na gumawa ng kasalanan, dapat bang patayin na lang?

Ang pagiging matulungin ay isa sa mga katangiang hinahangaan ng mga dayuhan sa ating mga Pinoy pero sa kasalukuyang panahon, tila nabago na ang kahulugan nito sa nakararami.

Yun bang ang pagtulong ay hindi naman dala ng hangaring makabuti sa kapwa kundi para mabenepisyuhan ang sarili.

Pansinin nyo sa social media. Kung ano ang trending topic naroon ang halos lahat ng ‘magagaling’. Hindi lang nagbibigay ng kanilang opinyon kundi naglalabas din ng galit o pagkamuhi sa taong inaakusahan na gumawa ng mali.

Ang nakatatawa pa riyan, kung husgahan nila o bantaan ang buhay ng taong ‘nagkasala’ ay para bang sa kanila ito may atraso.

Lutang na lutang sa socmed ang ‘kuyog mentality’ ng mga Pinoy ngayon kaya naman malas mo lang kapag may hindi natuwa sayo at ginawan ka ng kwento. Asahan mo na ang pag-alipusta sa iyong pagkatao, maging ang mga pagbabanta mula sa mga taong ni minsan ay hindi mo nakasalamuha. (BOMBA KA DAY! / Jocy Barlizo)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment