KUNG WALANG EBIDENSYA, MALING PANGALANAN ANG MGA ISINASABIT NI DUTERTE SA DROGA

CHRISTIAN BOMB

BINAWI na ni Pa­ngu­long Duterte ang sinabi niyang may dalawang heneral na naman ang sangkot kalakaran ng droga sa bansa.

Mabuti na lang at hindi pa niya pinapangalanan ang dalawang tinukoy niyang heneral.

Kung totoo man na may sangkot na dalawang heneral sa droga, dapat pangalanan ni Pres. Duterte kung sino ang dalawang ito, pero kung wala namang sapat na ebidensya ay hindi tama na ipahiya sila sa publiko.

Matatandaan na pagkaupo ni Pres. Duterte sa puwesto ay pinangalanan ng Pangulo noong July 6, 2016 ang limang police generals na sangkot daw sa sindikato ng droga sa bansa. Sila ay sina police generals Marcelo Garbo, Joel Pagdilao, Edgardo Tinio, Bernabe Diaz at Vicente Loot.

Sa panahon nang isiwalat ito ni Pres. Duterte ay retirado na si Garbo, mayor si Loot at tanging nasa serbisyo pa ay sina Pagdilao, Tinio at Diaz.

Ang hindi kagandahan sa isyung ito, ang gobyerno ay walang isinampang drug case sa limang tinaguriang “narco-generals.” Walang ikinaso kina Garbo at Loot, at ang tanging nakasuhan ay sina Pagdilao, Tinio at Diaz na pawang nasa serbisyo pa noon, pero ang kaso ay administratibo lang at hindi drug case.

Kaya walang isinampang drug case sa limang binansagang “narco-ge­nerals” ay dahil walang ebidensyang sangkot sila sa droga, basta ang sabi lang ng Presidente, “narco-generals” sila.

Nalagay sa mala­king kahihiyan ang limang heneral na ito, pati ang kanilang pamilya dahil idinawit sila sa droga nang wala naman palang ebidensya.

Ang nangyari sa limang heneral na binansagang narco-generals ni Pres. Duterte ay huwag sanang mangyari sa dalawang bagong heneral na isinasangkot din ng Pa­ngulo sa droga. Pero sa hu­ling pananalita ng Pangulo ay mga colonel lang daw at hindi heneral ang mga ito.

Kung may sapat na ebidensya, tamang pangalanan sila, pero kung walang ebidensya, mali na sila ay pangalanan dahil hindi lang ang dalawang heneral na ito ang malalagay sa kahihiyan, kundi pati ang kanilang pamilya.

oOo

TIMBRE: Paging PNP Chief Director Ge­neral Oscar Albayalde…Isang alyas “Reden” daw ang may pa-jueteng sa Cebu City. Naglipana ang pick-up girls sa Quezon Avenue, Quezon City. Ang ilang bahay-aliwan daw sa Roxas Blvd. mula Pasay City hanggang Pa­rañaque City ay may mga minor na GRO. (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment