KUNG MAY DELICADEZA SI USEC. VILLAR DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA SA DOJ

CHRISTIAN BOMB

NABISTO, na si Justice Usec. Emmeline Aglipay-Villar, misis ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Mark Villar ang isa sa mga nag-review sa water concession contract ng mga nakaraang administrasyong Ramos at Arroyo sa Manila Water at Maynilad.

Ang gobyerno ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang unang pumasok sa kasunduan na ang kontrata sa pamamahala ng Manila Water at Maynilad sa Metro Manila, Cavite at Rizal ay mapapaso sa taong 2022 at sa panahon ng dating gobyerno ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo ay in-extend ang kontrata ng hanggang taong 2037.

Sa pinasok na kontrata ng gobyernong FVR sa Manila Water at Maynilad ay talo ang pamahalaan at taumbayan dahil isa sa nakasaad sa kasunduan, kapag nalugi ang mga kumpanya, ang lugi ay sa gobyerno babawiin ng Manila Water at Maynilad.

Iyan ang ikinagalit ni Pres. Rodrigo Duterte lalu’t natalo sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore ang Pilipinas, na ang utos sa Philippine government ay bayaran ng pinagsamang mahigit P10 bilyon ang Manila Water at Maynilad dahil nalugi raw ang mga kumpanya nang tumanggi ang dating administrasyon ni ex-Pres. Benigno Aquino III na magtaas ang mga ito ng singil sa tubig.

Minura at pinagbantaan ni Pres. Duterte na sasampalin, kakasuhan, ipapakulong ang mga Ayala ng Manila Water at si Manny V. Pangilinan ng Maynilad, at pagkaraan niyan ay kinansela na ng MWSS ang kontratang hanggang 2037, na ibig sabihin, hanggang taong 2022 na lang ang pamamahala ng Manila Water at Maynilad sa serbisyo ng tubig sa Metro Manila, Cavite at Rizal dahil may iba nang kumpanyang papalit sa kanila.

Ang pagkansela ba ng MWSS sa kontratang ito ay ibinase sa review ng DOJ, na ang isa sa reviewer ay si Usec. Villar, na ang pamilya ay nagmamay-ari naman ng Prime Water ?

Malinaw na may conflict of interes diyan, kaya’t kung may natitira pang delicadeza si Usec. Villar sa kanyang sarili, dapat mag-resign na siya sa puwesto. (CHRISTIAN’S BOMB / Christian Hernandez)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment