KULANG SA LAMBING

BOMBA KA DAY

MAY nagsumbong sa Bomba Ka Day na kulang sa lambing ang mga staff ng Rizal Provincial Hospital annex 11 sa Dalig, Antipolo City. In other words, masusungit.

Ayon sa reklamo ng isang ginang na tutukuyin natin sa alyas na ‘Iza’, mahirap pakiusapan ang ilang staff ng nasabing pampublikong ospital.

Base sa karanasan umano ni Iza, noong una siyang magtungo sa nasabing ospital ay nang lagnatin ang isa sa kanyang mga anak.

Dali-dali niyang dinala ang bata sa Rizal Provincial Hospital annex 11 dahil 39 degrees na ang lagnat nito. Pero pagda­ting sa nasabing ospital ay nadismaya siya dahil ayaw raw silang i-accomodate.

Ang dahilang ibinigay kay Iza ng mga nakaharap niyang medical staff ay hindi naman emergency ang kaso ng kanyang anak.

Nakakatakot naman palang magdala ng pas­yente riyan sa Rizal Provincial Hospital annex 11 kasi kailangang tirik na ang mga mata ng pasyente bago nila asikasuhin?

Laking pasalamat na lamang ni Iza dahil nakuha sa gamot at punas-punas ang mataas na lagnat ng anak.

Sa kabila ng pangit na karanasan sa nasabing ospital ay bumalik pa rin si Iza nang makaramdam naman ng diperensya sa puso ang 12-anyos niyang anak.

Inirereklamo ng bata na nahihirapan siyang huminga kaya inirekomenda ng tuminging doktor na isailalim ito sa 2D echo.

Inabot ng hapon bago nakuha ni Iza ang resulta ng lab test pero bumalik pa rin siya sa ospital para sana patingnan o ipabasa sa doktor ang nilalaman ng 2D echo result ng anak.

Pero may patakaran pala ang ospital na ang mga out-patient ay kailangang pumila bago sila asika­suhin ng doktor.

Dahil hindi na umabot sa bilang ng mga ia-accomodate ng doktor sa OPD, dumiretso sa emergency si Iza nang makitang naroon ang doktor na nag-request ng 2D echo ng kanyang anak.

Himutok ni Iza, kahit isang dipa lang halos ang layo niya sa doktor ay hindi siya pinayagan ng hospital staff na makalapit at ipinilit na pumila na lang siya kinabukasan sa OPD.

“Nakakasama ng loob, kaya nga hospital sila di ba? Nakikiusap ako kahit sulyap lang ni dok sa result para lang mapanatag ako kasi hindi nga ako umabot sa OPD gusto nila bumalik ako bukas, pumila ako sa OPD,” ang naghihimutok na sabi ni Iza.

Hindi madaling sumuko si Iza kaya nagtiyaga ito at nangulit sa pagbabaka-sakaling mapagbigyan siya pero ang siste, nasungitan pa siya dahil bawal daw magbitbit ng cellphone sa emergency room.

Duda ko naman, baka nag-iingat lang ang mga hospital staff na makunan nang palihim ang hindi magandang pakikitungo nila sa ilang pasyente kaya sinasaway ang mga may dalang cellphone sa loob ng emergency room.

Ang sabi-sabi kasi, nambubulyaw sila sa makukulit na pasyente o kasama ng mga ito.

Talaga ba?

Hindi nagbunga ang pangu­ngulit ni Iza kaya nang hapong iyon ay umuwi siya na bitbit pa rin ang pag-aalala kung ano ang kalagayan ng anak. Gustuhin man niyang basahin ang resulta ng lab test nito ay hindi naman niya naiintindihan kaya hindi rin masasagot ang kanyang mga tanong.

Sa kanyang paglabas sa ospital ay nagpasya si Iza na manghiram na lang ng pera para madala sa pribadong doktor ang anak.

“Ayaw ko na sa annex nauubos lakas ko. Ang hirap magmakaawa sa kanila ang sasama ng ugali parang mga highblood lagi porke’t libre ganyan sila magtrato ng pasyente,” hinaing ni Iza.

Hindi lang minsan na nangyayari ang ganito sa mga pampublikong tanggapan at ospital. Alam nating kapos sa badyet ang mga pagamutan ng gob­yerno at kulang ang mga staff at doktor na umaasikaso sa napakaraming pasyente.

Pero sana ay maisip nilang hindi lang basta pagtugon sa propesyon ang kanilang ginagawa kundi isang pagkakawanggawa sa mga kababayang kapuspalad.

Bukas ang pahinang ito sa paliwanag ng mga taga Rizal Prov’l Hospital Annex 11. (BOMBA KA DAY! / JO BARLIZON)

Related posts

Leave a Comment